ni Lolet Abania | August 6, 2021
Napagdesisyunan ng mga Metro Manila mayors na ipatupad ang ‘no walk-in policy’ sa mga COVID-19 vaccination sites habang ang rehiyon ay sumasailalim sa 2-linggong lockdown upang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang Delta variant.
Sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes, ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ang bagong polisiya ay napagkasunduan ng mga alkalde at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
“The LGUs (local government units) will strictly enforce the no walk-in policy during the lockdown to prevent people from swarming vaccination sites, which could cause a superspreader event,” ani Malaya.
Binanggit din ni Malaya na ang mga may kumpirmadong appointments na ang tatanggapin sa mga vaccination centers.
Ang Metro Manila ay nasa ilalim ngayon ng enhanced community quarantine (ECQ), ang pinakamahigpit na quarantine upang labanan ang pagkalat pa ng COVID-19 sa bansa, na nagsimula ngayong Agosto 6 at tatagal nang hanggang Agosto 20.
Gayundin, inaasahan sa nasabing rehiyon ang pag-administer ng 250,000 COVID-19 shots kada araw kahit pa ECQ.
Comments