top of page
Search
BULGAR

Iwas-droga ang kabataang aktibo sa sports

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 12, 2022


Sa ginanap na pagdinig sa Senado noong Oktubre 10 para sa 2023 budget ng Philippine Sports Commission at ng Games and Amusements Board, bilang Chair ng Senate Committee on Sports, sinuportahan ko ang kanilang pondo para sa 2023. Naniniwala ako na kailangan nating mag-invest sa sports para makatuklas at makapaghasa tayo ng mas maraming world-class athletes na maipagmamalaki ng ating bansa at makapag-uuwi ng mga medalya at karangalan.


Naniniwala rin ako na ang masiglang grassroots sports program ay mabisang paraan para mailayo ang kabataan sa kaway ng droga at iba pang masasamang bisyo. Sabi ko nga, get into sports, stay away from illegal drugs. Isa ang sports sa mga paraan para ipagpatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga.


Ang matagal ko nang pinangarap na National Academy of Sports ay naisakatuparan na at naitayo na sa New Clark City, Capas, Tarlac. Nakakapag-aral at nakapagsasanay rito ang mga atleta, at plano natin na ma-regionalize ito para hindi na mapalayo ang mga potential athletes natin sa kanilang pamilya, at mas maging madali ang pagpapatupad natin ng grassroot sports development.


Nasa ilalim na ng Department of Education ang NAS at nababalitaan ko nga na nabawasan ang budget nito. Full support ako para ma-restore ito, dahil atleta at kabataan din ang pinag-uusapan dito. Ayaw nating maantala ang buong programa. Nakita naman natin na pag may suporta ang gobyerno, kasama ang pribadong sektor, ay nakakapagdala sila ng karangalan sa ating bansa.


Sa nakaraang mga kompetisyon sa labas ng bansa ay nasaksihan natin kung paano nagtagumpay sina Hidilyn Diaz, Alex Eala, Carlos Yulo, EJ Obiena at ang lahat ng atletang Pilipino na patuloy na nagsisikap at iniaalay ang kanilang sarili sa para maisulong ang pag-unlad ng sports sa Pilipinas.


Sa mga nakalipas na panahon ay isinulong ko ang dagdag-pondo para sa preparasyon natin sa iba’t ibang international sports competition tulad ng Olympics, SEA Games, Asian Games at ParaGames. Sa tulong ng mga kapwa ko mambabatas, nabigyan natin ng sapat na pondo ang PSC at ang GAB.


Nagbunga naman nang maganda ang ating pagbibigay ng dagdag na budget sa ating mga atleta. Nakamit natin ang kauna-unahang gold medal sa Olympics, kasama na ang dalawang silver medals at isang bronze medal. Ang Pilipinas ang top performing country sa Southeast Asia sa Tokyo Olympics. Noong 2019 na nag-host tayo ng SEA Games, number 1 tayo at napakaganda ng pagkakapanalo natin doon.


Sa nakaraang SEA Games ay maganda rin ang performance ng ating mga atleta, bagaman at hindi tayo nagkampeon sa basketball. Sa ngayon, hangad natin na mabawi ang korona sa basketball sa SEA Games, at magkampeon sa Asian Games at FIBA Asia. Nakikiusap ako sa ating mga atleta na naglalaro na sa ibang bansa na kung tatawagin na kayo para sa bayan na maglaro para sa ating bandila, sana ay suportahan ninyo ang ating national team.


Binanggit ko rin sa pagdinig na nag-commit tayo para suportahan si Kayla Sanchez, ang Fil-Canadian Olympic swimmer na naglaro para sa Canada noong Tokyo Olympics, at nanalo ng silver at bronze medal. Ngayon ay lumipat na siya sa atin para irepresenta ang Pilipinas sa international competitions, tulad sa darating na Paris Olympics. Pilipino si Kayla. Sigurado ako na marami pang tulad ni Kayla ang gustong magwagayway ng bandila ng Pilipinas sa mga sports competitions lalo na kung bubuhusan natin sila ng suporta.


At dahil tayo ang host ng 2023 FIBA World Cup, napag-usapan din ang kailangang pondo para rito para maging matagumpay ang pagdaraos at matiyak ang seguridad ng mga bisita at ng ating mga kababayan.


Nagpaalala rin ako sa PSC at sa pribadong sektor na sa gaganaping 2023 FIBA World Cup ay tiyakin na walang masasayang na pondo at dapat na mas malaki ang maibabalik sa atin sa pamamagitan ng return of investment sa larangan ng turismo at benepisyo ng local economy. Ngayong bawat piso ay napakahalaga sa ating mga kababayan, dapat mamamayan ang makikinabang, lalung-lalo na ang mahihirap, sa kung anumang tulong ang maibibigay ng gobyerno sa PSC at sa ating hosting ng nasabing event.


Wala rin akong naging pagtutol sa hinihinging budget ng GAB, pero tulad sa PSC, nakiusap ako sa kanila na ayusin ang paggamit sa pera ng gobyerno, at wala dapat masasayang ni piso. Para sa akin, basta’t ang pondo ng bayan ay ginamit sa wasto at kung para saan talaga ito, wala tayong magiging problema. Unahin lang dapat ng mga ahensya ng pamahalaan ang interes at kapakanan ng ating mga kababayan, at maging ang interes ng ating pamahalaan tungo sa hangaring mas makapagserbisyo sa sambayanan.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page