top of page
Search
BULGAR

Iwas-COVID-19.. Ilang sementeryo sa Metro Manila, sarado simula Okt. 29-Nob. 3

ni Lolet Abania | October 8, 2021



Ilang lokal na gobyerno sa Metro Manila ang nagdesisyong ipagbawal muna ang pagbisita sa mga yumao nang pamilya sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa panahon ng Undas dahil pa rin ito sa banta ng pandemya ng COVID-19.


Unang naglabas ng memorandum ang Maynila hinggil sa pagsasara ng mga sementeryo sa lugar mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 habang nanawagan ito sa publiko na bumisita na sila ng mas maaga para maiwasan ang pagsisiksikan. Papayagan naman ang mga interment o libing at cremation services sa mga naturang petsa.


Sa ngayon, puspusan na ang paglilinis sa Manila South Cemetery at Manila North Cemetery habang naghahanda na rin ang mga awtoridad sa posibleng pagdagsa ng mga indibidwal na bibisita sa mga puntod ng kanilang yumaong mga mahal sa buhay bago pa ang Todos los Santos.


Gayunman, patuloy ang paalala sa lahat na kailangang sumunod sa mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield habang sa entrance ng mga sementeryo ay nakaabang ang mga alcohol dispenser at pagkakaroon ng temperature scanner.


“Doble na rin po ang security namin... Nagro-roving po lahat ng security natin,” pahayag ni Manila South Cemetery spokesman Raffy Mendez.


Malaking hamon naman para sa pamunuan ng Manila North Cemetery ang pagdagsa ng mga indibidwal bago pa ang Undas, kaya apela nila sa mga dadalaw na dapat na sumunod sa health protocols.


“Sa mga dumadalaw huwag naman sana makulit kasi talagang hirap na rin kami sa gate... Sa mga hindi susunod talagang wala kami magagawa kung hindi talaga hindi kayo papasukin sa gate,” paliwanag ng OIC ng security force na si Elmer Quintos.


Kasunod nito, naglabas na rin ng kautusan ang lokal na pamahalaan ng Malabon na isasara ang lahat ng sementeryo sa lugar mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page