ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 11, 2023
Isa sa malaking bagay na dapat ay nasa kondisyon sa pagmamaneho ang sasakyan, siguraduhing perpekto ang kondisyon mula gulong, preno, langis, tubig at higit sa lahat ay ang kondisyon ng magmamaneho.
Isa ito sa madalas na ipinapaalala sa lahat ng mga infomercial sa radyo at telebisyon, at maging sa mga driving school itinuturo na dapat ay kondisyon ang kalagayan ng isang magmamaneho ng sasakyan—kumpleto sa tulog, walang hangover o hindi nakainom.
Mataas kasi ang bilang ng mga sasakyang nasasangkot sa aksidente ay dahil sa human error, na karaniwang nangyayari dahil antok na antok ang nagmamaneho, lalo na ang mga truck, taxi driver at iba pang kahalintulad nito na halos 24-oras nagmamaneho.
Lalo na sa mga nagmamaneho ng motorsiklo, kung apat hanggang mas maraming gulong na sasakyan ay nangyayari ang human error, lalo sa dalawang gulong at napakataas din ng datos ng pulisya na ang mga motorsiklong nasangkot sa aksidente ay nakainom.
Marami kasi sa ating mga ‘kagulong’ na dahil malapit lang naman sa kanilang lugar ang dadaluhang handaan ay hindi nag-aalala na malasing kahit may dalang motorsiklo—masyadong tiwala sa sarili na mas mahusay silang magmaneho kapag nakainom.
Ngunit ito ay isang malaking ‘akala’ lamang dahil ayon sa paliwanag ng mga eksperto, nagkakaroon umano ng pagbagal ang galaw ng taong nasa impluwensya ng alak at hindi sumasabay ang kanilang desisyon sa galaw ng kanilang katawan.
Maraming naaksidente na kapag nakarekober na sa pagamutan ay palaging sinasabi na akala nila ay kakayanin nilang mag-overtake, pero ang lahat ng pangyayari ay isang malaking akala lamang dahil sa epekto ng alak.
Dapat ding pagtuunan ng pansin ng ating mga ‘kagulong’ ang deklarasyon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na opisyal nang nagsimula ang dry season.
Marami sa ating mga ‘kagulong’, lalo na ‘yung mga nasa delivery services, nagmamaneho ng mga motorcycle taxi at mga kahalintulad nila ang masyadong abala sa paghahanapbuhay at hindi na alintana ang init.
Dapat na itaas ng ating mga ‘kagulong’ ang kamalayan hinggil sa pagpasok na ito ng tag-init dahil mismong ang Department of Health (DOH) ay nagbigay ng babala hinggil sa pagtaas ng kaso ng heatstroke sa bansa.
Alalahanin nating walang pinipiling edad ang heatstroke, tulad na lamang ng isang 17-anyos sa Binangonan, Rizal na sa kasagsagan ng init ay patuloy pa rin sa paglalaro ng basketball dahil matagal na niya itong ginagawa at wala namang nangyayaring masama.
Ang resulta, bigla itong bumagsak at walang tigil sa pagdugo ang ilong at kinapos na sa paghinga hanggang sa mawalan ng malay. Mabuti na lamang at agad itong nadala sa pagamutan kaya nailigtas pa ang kanyang buhay.
Higit na dapat na mag-ingat ang ating mga ‘kagulong’ dahil karaniwan ay nakasuot pa ng jacket at helmet, kaya nakakadagdag ito sa pakiramdam na mainit at delikado kung aatakihin ng heatstroke habang nagmamaneho.
Makabubuting sumilong muna kung talagang sobra ang sikat ng araw at huwag tayong manghinayang sa kikitain, kaya babalewalain na lamang ang tindi ng init dahil mas malaki ang mawawala kung maoospital kayo.
Siguraduhin ding may baon na tubig sa pagmamaneho ng motorsiklo at kahit hindi nakakaramdam ng uhaw ay regular na uminom ng tubig upang hindi ma-dehydrate at umiwas sa matatamis na inumin dahil lalo itong nakakadagdag sa nararamdamang uhaw.
Isa pa sa dapat ay mag-ingat ang mga may-ari ng electric bike, dahil nito lamang Martes Santo ay limang miyembro ng pamilya ang nasawi dahil sa overcharging, naglagablab ito at natupok ang buong bahay sa Pozorrubio, Pangasinan.
May nabibiling charging regulator at kusa itong namamatay kung hanggang anong oras lang dapat mag-charge para maiwasang maulit ang aksidenteng ito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Commentaires