ni Mary Gutierrez Almirañez | April 16, 2021
Isa pang pribadong ospital ang nagsumite ng compassionate special permit (CSP) para magamit ang Ivermectin kontra COVID-19 ang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA), ayon kay Director General Eric Domingo ngayong araw, Abril 16.
Aniya, "Two hospitals na actually na nag-apply sa atin ang nabigyan ng CSP.”
Tumanggi naman siyang ibigay ang pangalan ng ospital dahil sa privacy concern.
Paliwanag pa niya, "I have to ask permission from the hospitals kasi may privacy kasi ‘yung mga pasyente nila.”
Nilinaw pa ni Domingo na kasama sa mga hinihinging requirements sa CSP ay ang pangalan ng licensed importer at ang proof of registration ng Ivermectin mula sa pinanggalingan nitong bansa.
"Hindi naman puwedeng mag-iimbento ka ng dosage, imbento ng protocol,” sabi pa niya.
Iginiit naman ng Philippine Association of Pharmacists in the Pharmaceutical Industry (PAPPI) na kailangan pa ring dumaan ng Ivermectin sa clinical trials at assessment bago tuluyang ipainom sa pasyenteng may COVID-19.
Sa ngayon ay dalawang ospital pa lamang ang pinapayagang gumamit ng Ivermectin mula nang isumite nila ang CSP.
Nagbabala naman ang Department of Health (DOH) na kasong paglabag sa Republic Act 9711 o The FDA Act of 2009 ang isasampa sa mga mahuhuling gagamit ng Ivermectin na walang CSP.
Comments