top of page
Search
BULGAR

Itaguyod ang pangarap at potensyal ng mga kabataang Pinoy

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 5, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Ang lumaking mahusay at mabuting miyembro ng lipunan — sapat na itong sukli para sa lahat ng pagtitiis, pagsasakripisyo, at pagmamahal ng magulang sa kanyang estudyanteng anak.


Ito ang naging mensahe ng inyong Senator Kuya Bong Go sa libu-libong mag-aaral na nakasama natin nitong mga nakaraang araw sa iba’t ibang pagtitipon o graduation ceremonies kung saan tayo ay naimbitahan.


Kakaibang saya talaga kapag kasama ang mga kabataan lalo na at ramdam ko sa kanila ang pag-asa, ambisyon, at kumpiyansa sa sarili na kaya nilang makamit ang kanilang mga pangarap.


Kaya naman nang makaharap natin ang mga magulang ng mga graduating students sa University of Cagayan Valley (UCV) sa Tuguegarao City, Cagayan noong June 3, alam ko ang kanilang pakiramdam. Alang-alang sa mga anak, sinisikap nating malampasan ang hirap, pagod, at puyat para mabigyan sila ng mas magandang kinabukasan.


Sa kanilang event na “Parents’ night,” isang mainit na pasasalamat sa mga nanay at tatay ang ating ibinida! Sabi ko nga sa mga mag-aaral doon, mag-aral silang mabuti para makapagtapos dahil iyon ang tanging maisusukli nila sa mga sakripisyo ng kanilang magulang. Basta unahin nila ang kapakanan ng kanilang kapwa ay hinding-hindi sila magkakamali para marating ang kanilang mga pangarap sa buhay. ‘Ika nga, gawin ang tama, go lang nang go!


Guest of Honor din tayo kahapon, June 4, sa commencement exercises ng Immaculate Conception Child Development Center, Inc. (ICCDCI) sa Pandi, Bulacan. Ipinaalala natin sa mga nagtapos na ang graduation ay hudyat pa lang ng tunay na pagsubok sa kanilang buhay. Malaki ang papel na gagampanan nila sa lipunan, pero huwag silang ma-pressure. Ang payo ng inyong Kuya Bong Go, magsumikap pero huwag magmadali dahil opportunity will come in God’s perfect time.


Bahagi ng ating pagmamalasakit ang suporta natin sa Republic Act 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na naisabatas sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Isa itong mahalagang hakbang para maisakatuparan ang libreng edukasyon sa state colleges and universities.


Isinusulong din natin ngayon ang Senate Bill No. 1360 na naglalayon na mapalawak pa lalo ang coverage ng tertiary education subsidy sa pamamagitan ng pag-amyenda sa RA 10931. Kung maisabatas, malaking tulong ito sa mga qualified Filipino students dahil magkakaroon sila ng mas maraming options upang makapag-aral sa institution na nais nilang pasukan.


Co-author at co-sponsor din tayo ng RA 11984, o ang “No Permit, No Exam Prohibition Act,” na nagbigay ng proteksyon sa mga estudyante laban sa anumang polisiya na nagbabawal sa kanila na makakuha ng pagsusulit at iba pang educational assessments kung may pagkakautang gaya ng hindi pa nababayarang matrikula.


Para naman sa ating mimamahal na mga guro, co-author tayo ng Kabalikat sa Pagtuturo Act na naglalayong madagdagan ang kanilang teaching supplies allowance. Nilagdaan na ito ng ating Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong June 3.


Isinusulong din natin ang Senate Bill No. 1864, o Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na layuning magkaloob sa mga estudyante ng palugit kung mayroon silang loans na hindi mabayaran dahil sa mga kalamidad.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, sinuportahan natin ang pangangalaga sa mental well-being ng ating mga estudyante at mga guro sa pamamagitan ng Senate Bill No. 379, na co-author tayo, at ng Senate Bill No. 1786, na naglalayong lumikha ng mental health offices sa mga paaralan mula sa basic education at maging sa higher education institutions.


Habang nasa Tuguegarao City tayo noong June 3, personal nating pinangunahan ang pagbibigay ng suporta sa 21 kooperatiba sa rehiyon sa pamamagitan ng programang Malasakit sa Kooperatiba ng Cooperative Development Authority na ating isinulong. Nagkaloob din tayo ng tulong sa 500 residenteng nawalan ng hanapbuhay katuwang si Mayor Maila Ting. Ang mga benepisyaryo ay mabibigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho. Nag-abot din tayo ng tulong sa 700 youth leaders at miyembro ng Sangguniang Kabataan.


Noong Lunes, sinaksihan ng aking opisina ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Santa Catalina, Negros Oriental upang mailapit ang pangunahing serbisyo medikal sa komunidad.


Personal din nating sinaksihan kahapon, June 4, ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Angat, Bulacan. Matapos ito ay pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong sa 500 residente sa lugar na nawalan ng hanapbuhay, na may natanggap ding tulong mula sa DOLE.


Dumalo rin tayo sa Liga ng mga Barangay Congress-Negros Occidental Provincial Chapter na ginanap sa Bai Hotel, Mandaue City, Cebu sa imbitasyon ni LnB President Provincial Board Member Richard Sablan.  


Tuluy-tuloy naman ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa ating mga kababayang nangangailangan tulad ng 31 residente ng Zamboanga City na nasunugan, at mga kababayan sa Lucban, Quezon na nabiktima ng Typhoon Aghon. Nagbigay din tayo ng dagdag na suporta sa 15 TESDA graduates sa Pasig City.


Umalalay tayo sa mga kababayan nating nawalan ng hanapbuhay at kabalikat ang DOLE ay natulungan natin ang 500 sa Marikina City kaagapay si Mayor Marcy Teodoro; 145 sa Cabarroguis, Quirino kasama si Vice Governor Jojo Vaquilar; 87 sa San Remigio at Sibalom, at 40 pa sa Patnongon sa Antique katuwang si Vice Governor Edgar Denosta; at 88 sa Meycauayan City, Bulacan kasama si Councilor Kath Hernandez.


Naniniwala ako sa potensyal ng mga kabataang Pilipino. Gabayan natin sila upang marating ang kanilang mga pangarap dahil sila ang pag-asa ng ating bayan. Bilang inyong Senator Kuya Bong Go, patuloy akong magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page