top of page
Search
BULGAR

Isyu sa LTFRB, sino ang nagsasabi ng totoo?

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 14, 2023


Marami ang natuwa, marami rin ang nainis dahil sa magkakahiwalay na eksena na sabay-sabay naganap noong nakaraang Miyerkules na kinasasangkutan ng umatras na whistleblower, ng chairman ng transport group at ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr).


Matatandaan na noong nakaraang Lunes ay iniharap sa media ni Mar Valbuena, chairman ng grupong Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (SMMITT) o mas kilala sa tawag na MANIBELA ang whistleblower na si Jefferson Gallos Tumbado na dating executive assistant ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Secretary Chairman Teofilo Guadiz III.


Sa isinagawang press conference ay buong giting na ibinulgar ni Tumbado ang ‘lagayan scheme’ sa loob ng LTFRB kasabay ng pag-amin na siya pa ang tumatayong ‘middleman’ sa mga ilegal na transaksyon at maging ang mga regional officials ng LTFRB ay may quota umanong P2 milyon na ibibigay sa central office.


Ipinagtapat ni Tumbado kung gaano kahirap kumuha ng special permit, route permit, franchise at iba pa, ngunit bumibilis naman kung maglalagay ang mismong aplikante at umaabot umano sa P5 milyon ang lagayan dahil hindi lang umano ang mga taga-LTFRB ang nakikinabang dahil umabot raw ito sa matataas na opisyal ng DOTr at Malacañang.


Kinahapunan, agad na sinibak ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III dahil sa sinasabing katiwalian at nagdulot ito ng malaking kahihiyan hindi lang kay Guadiz kundi maging sa pamilya nito.


Miyerkules, muling humarap sa media si Tumbado at binabawi na nito ang mga ibinulgar na anomalya na ikinasibak ni Guadiz. Ayon sa kanyang affidavit of recantation, lahat umano ng kanyang sinabi ay bunga lamang ng pabigla-biglang desisyon, maling pag-iisip, sulsol ng ilang indibidwal at iba pa.


Naku po! Sinira ni Tumbado ang career ni Guadiz dahil pinaniwalaan siya ni P-BBM tapos sasabihin niyang wala naman siyang malisyosong intensyong sirain ang reputasyon ng kahit sino, eh paano na si Guadiz?


Kasabay nito, nagtungo naman sa Camp Crame si Valbuena at nagpapasaklolo sa Philippine National Police (PNP) dahil tinatakot umano siya ni DOTr Sec. Jaime Bautista sa pamamagitan ng text messages, bukod pa sa tatambakan umano siya ng asunto dahil sa naganap na pagbubulgar sa anomalya sa LTFRB na isa si Tumbado sa ‘source’.


Magkagayun man, hindi naman natinag itong si Valbuena, kahit biglang bumaligtad si Tumbado dahil naipasa na umano nito sa kanya ang maraming ebidensya hinggil sa mga anomalya sa LTFRB kaya tuloy pa rin ang kanyang transport strike sa Lunes, Oktubre 16.


Isa sa ipinapakitang patunay ni Valbuena ay ang hawak na dokumento ng isang operator na sa loob lamang ng isang araw ay nakakuha ng prangkisa, kapalit umano ng malaking halaga na hindi pa natin matiyak kung paano naman pabubulaanan ni Tumbado.


Kasabay ng dalawang eksena sa pagitan nina Tumbado at Valbuena ay halos sumasabay din sa pagpapaliwanag itong si DOTr Sec. Bautista na wala umanong korupsiyong nagaganap sa kanyang tanggapan.


Sinabi ni Bautista na hindi siya tumanggap ng pera kahit kailan at nang manungkulan umano bilang secretary ng DOTr ay pinagsilbihan niya nang maayos ang mga mamamayan na may integridad na higit na mahalaga kesa material na bagay.


Kasabay nito ay sinabi niyang nakahanda siyang sampahan ng pormal na reklamo ang mga nais sumira ng kanyang pangalan at ng katotohanan laban sa DOTr.


Lumalabas na may tatlong pahayag sa kasalukuyan ang nakalatag sa publiko -- bilang patas at responsableng mamamahayag ay inihatid natin sa ating mga tagasubaybay ang panig ni Tumbado, ni Valbuena at maging si Sec. Bautista.


Bilang Representante ng 1-Rider Partylist ay mahalagang-mahalaga sa akin ang kahihinatnan ng usaping ito dahil nakasalalay dito ang magiging kinabukasan ng transport group sa bansa.


Silang tatlo ay may kani-kanyang punto, ngunit hindi naman puwedeng lahat sila ay nagsasabi ng totoo, tiyak na may nagsisinungaling din, ngunit habang humahaba ang kanilang paliwanagan ay papalapit nang papalapit na ang deadline ng phaseout ng tradisyunal na jeepney sa Disyembre 31.


Sana naman maging maayos na ang lahat.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Yorumlar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page