top of page
Search
BULGAR

Isyu sa EDSA bus carousel, habal-habal at tuktok, tapusin na

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 12, 2023


Nahaharap na naman sa panibagong usapin ang Department of Transportation (DOTr) makaraang lumutang ang mga isyu hinggil sa planong pag-alis ng Bus Carousel sa kahabaan ng EDSA.


Tila dapat na maghinay-hinay ang DOTr at huwag basta-basta magpapadala sa mga proposal na wala namang kaakibat na solusyon kung bakit kailangan nang alisin ang bus carousel na malaking tulong sa ating mga pasahero.


Medyo umingay ang usaping ito dahil sa kahilingan ng Mega Manila Consortium na nagpahayag ng pagtutol sa patuloy na operasyon ng bus carousel na nakita naman natin kung gaano kaepektibo.


Posibleng magkaroon na naman ng malaking problema sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA, kung ibabalik ang dating sistema na pababayaan na naman ang mananakay sa gilid ng kalsada para mag-abang ng pasahero.


Wala tayong tinututulan sa kahit anong plano na makabubuti sa ating mga kababayan, ang sinasabi lamang natin ay huwag magpadalus-dalos sa desisyong ito dahil napatunayan na ang mabuting dulot ng bus carousel sa EDSA.


Isa pa, napakalaki na ng ginastos ng pamahalaan para ayusin ang mga istasyon ng bus carousel na tiyak na mapupunta na naman sa wala kung magkakaroon ng pagbabago dahil lamang sa proposal ng ilang grupo na wala namang inihahain na solusyon.


Kung ngayong meron na tayong bus carousel ay nagkakaproblema pa rin tayo sa sobrang pagsisikip sa kahabaan ng EDSA dahil sa rami ng sasakyan lalo na kung rush hour, eh, lalo na siguro kung mawawala pa ang bus carousel.


Ngayon, heto ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na nagbibigay ng anunsyo na huhulihin umano ang mga hindi rehistrado o kolorum na motorcycle taxi at habal-habal na naglipana sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.


Nakipag-ugnayan umano ang chairman ng Technical Working Group (TWG) ng DOTr na kasalukuyang nagsasagawa ng napakatagal nang pilot study hinggil sa kalagayan ng motorcycle taxi sa bansa.


Lahat umano ng wala sa master list ng mga kalahok sa isinasagawang pilot study tungkol sa motorcycle ride-hailing apps tulad ng Angkas, Joy Ride at Move It ay huhulihin.


Ang iba pang ride-hailing apps tulad ng Sampa at Kandong ay hindi pinapayagang mag-operate kaya kasama ang mga ito sa unang tutugisin at tututukan din umano ang mga habal-habal riders maging ang mga ginagamit nilang terminal.


Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay ilang ulit nang nanawagan na tapusin na ang isinasagawang pilot study dahil mahigit na nga namang apat na taon at kailangang-kailangan nang desisyunan.


Panahon kasi para gawing legal ang operasyon ng motorcycle taxi sa bansa dahil masasayang naman ang napakahabang panahon ng isinagawang pilot study kung walang positibong resulta, pero kung negatibo naman ang epekto ng motorcycle taxi sa bansa ay ianunsyo na agad upang hindi na dumami pa ang ilegal na namamasada.


Ito ‘yung matagal na nating sinasabi, dahil sa sobrang nainip na ang maraming rider na nais maghanapbuhay ay humantong na sila sa pamamasada ng walang sapat na papeles dahil kailangan nilang tugunan ang kumakalam na tiyan ng kani-kanilang pamilya.


Kung sa umpisa pa lamang ay isinaayos na at binilisan ang sistema, hindi na tayo umabot sa puntong mas marami pa ang kolorum sa ngayon kumpara sa legal na motorcycle taxi. Pare-pareho namang ayaw ang naturang sistema ngunit sa ganitong sitwasyon na sila dinala ng pagkakataon.


Heto ngayon, at hindi na rin mapigilan ang pagdami sa mga lansangan hindi lang sa Metro Manila ng mga sasakyang gawa sa India na kung tawagin ay ‘tuktok’ o ‘bajaj’ na may tatlong gulong, at tiyak na mga ilang araw pa ay tsaka na naman tayo maghahabol para maglabas ng panuntunan kung dapat ba silang payagan sa main road o hindi.


Unfair nga naman kasi sa mga tricycle, na hindi pinapayagan sa major thoroughfare tapos itong mga ‘tuktok’ na tatlo rin naman ang gulong ay pinapayagan. Ang daming dapat ayusin, sana naman maisaayos!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page