ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 24, 2023
Serbisyo sa taumbayan ang higit na naapektuhan sa naganap na iskandalo sa pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) dahil nasadlak sila sa kuwestiyonableng kredibilidad hinggil sa korupsiyon.
Ito ay matapos na iharap sa media ni Mar Valbuena, Chairman ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) ang whistleblower na si dating Executive Assistant Jeff Tumbado ng suspendidong LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.
Si Tumbado ang nagsiwalat ng lahat ng anomalya sa loob ng LTFRB na idinamay pa ang pamunuan ng DOTr at Malacañang sa dinadalhan niya ng pera umano bilang ‘middleman’ ngunit agad niya itong binawi kinabukasan at inulan siya ng batikos.
Kahit umatras si Tumbado ay nasuspinde pa rin si Guadiz at naiwan sa pakikipaglaban si Valbuena na nais umano ng total revamp kaya sinampahan siya ng kasong libelo ni DOTr Secretary Jaime Bautista upang protektahan ang kanyang pangalan na iningatan niya umano ng 45 taon.
Humarap noong nakaraang linggo sa National Bureau of Investigation (NBI) si Tumbado kasama ang abogado na si Atty. Bernardo Masangkay Jr. kung saan sinabi nitong hindi naman umano umaabot ang ‘lagayan’ sa DOTr at Malacañang gaya ng una niyang ibinulgar.
Ipinagtapat din ni Tumbado na tinawagan siya ni Guadiz at nagmakaawa umanong linisin ang pangalan at reputasyon nito na nauwi pa umano sa iyakan at nagwakas sa patawaran at pangako na gagawin umano ang lahat para linisin ang pangalan ni Guadiz.
Kahapon ay personal nang humarap sa Kongreso ang mga sangkot sa iskandalong ito kabilang na si Valbuena at ang laban-bawi whistleblower na si Tumbado at isa-isang sinagot ang mga akusasyon hinggil sa katiwalian sa LTFRB.
Nauna rito ay nagdaos ng support rally ang ‘Magnificent 7’ na binubuo ng Pasang Masda, Busina, Altodap, Acto, Stop & Go, UV Express para ibalik sa LTFRB ang sinupindeng si Guadiz.
Sa harap ng LTFRB ay nagsagawa ang Magnificent 7 ng rally upang hikayatin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ibalik si Guadiz dahil maayos naman umano ang kredibilidad nito at kakayahan bilang pinuno ng ahensya.
Lahat ng papuri para kay Guadiz ay inihayag ng ‘Magnificent 7’ at nagbigay pa ang mga ito ng joint support statement na nagsasabing maayos ang pagkalinga sa kanilang hanay ng dating pamunuan ng LTFRB.
Ngunit, tila napapansin na ng taumbayan ang hidwaan sa pagitan ng Magnificent 7 at ng MANIBELA dahil sa tuwing may mga pagkilos ang magkabilang transport group ay taliwas palagi ang pahayag ng kabilang grupo.
Kapansin-pansin na tuwing may mga pagkilos o transport strike na isinasagawa ang kahit alin sa MANIBELA o Magnificent 7 ay palagi silang magkahiwalay at magkaiba ang opinyon at maraming mga interview na personalan na ang mga pahayag ng magkabilang grupo.
Ngayon heto, sa kabila ng pagpasok na ng NBI at Kongreso para maisaayos na ang nawasak na imahe ng LTFRB at DOTr dahil sa pagbubulgar hinggil sa korupsiyon ay nagpahayag naman ng positibong suporta sa LTFRB ang Magnificent 7.
Inihayag naman ni Guadiz na kaya lamang umano nagawang pasabugin sa media ni Tumbado ang korupsiyon daw sa LTFRB dahil sa nagtampo ito dahil na-demote dahil sa kanyang ‘attitude problem’ ngunit wala namang katotohanan ang lahat.
Hindi natin maiaalis na ang pagkakabulgar ng umano’y korupsiyon sa LTFRB ay malaking accomplishment ng MANIBELA at kung mapapatunayan man ito o hindi ay isang malaking usapin pa — ngunit ang mahalaga ay may ginagawa tayo para kumpunihin ang naturang mga ahensya.
Kung hindi kasi huhupa ang sitwasyon at mananatiling ‘kurakot’ ang tingin ng publiko sa LTFRB ay tiyak na maaapektuhan ang kanilang serbisyo dahil pagdududahan na ang lahat ng transaksyon sa nasabing tanggapan.
Bigyan natin ng pagkakataon ang ating pamahalaan na isaayos ang katahimikan sa pagitan ng mga transport group, DOTr at LTFRB — para maibalik na ang tiwala ng publiko.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments