@Editorial | August 26, 2021
Matapos bigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ultimatum na sampung araw ang Department of Health (DOH) at Department of Budget (DBM) para mabayaran ang mga health workers na umaaray dahil hindi pa nakatatanggap ng kanilang mga benepisyo, kasado na ang budget.
Ayon sa DOH, may inilaan na P311 milyon para sa special risk allowance ng mga health workers.
Naisumite na umano sa DBM ang kaukulang dokumento para mailabas na ang pondo.
Hinihintay na lamang aniya nila ang special allowance release order (SARO) mula sa DBM para maipamahagi ang pondo sa mga pagamutan.
Sa wakas, mabibigay na ang dapat naman talaga ay matanggap ng mga frontliners na araw-araw ay nagsasakripisyo at mas pinipiling maglingkod sa kababayan.
Bagama’t hindi mapipigilan kung may mga napipilitang mag-abroad alang-alang sa kinabukasan ng pamilya, sana ay dumating pa rin ang panahon na hindi na kakailanganing lumayo at makipagsapalaran.
At silang mga gusto pa ring manatili sa sariling bayan para makapaglingkod, sana’y huwag pabayaan.
Huwag nating ipagdamot ang mga benepisyo o pagkakataong makapagbabalik sa kanila ng pasasalamat.
Sila ang mga bayani sa gitna ng pandemya na patuloy na nagiging matatag hanggang sa mapagtagumpayan ang labang ito.
Comments