top of page
Search
  • BULGAR

Isyu, para matapos na raw… JERIC, UMAMING APO NIYA ANG KASAMANG BATA NINA AJ AT ALJUR

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 29, 2024



Showbiz news
Photo: Jeric Raval

Sa edad na 63, kaya pa rin ni Jeric Raval ang mahabang lakaran, pag-akyat, pagtalon sa pader, pagtakbo at pakikipagsuntukan. 


Ito ang mga eksenang ginawa niya sa latest movie niyang Mamay: A Journey to Greatness (The Marcos Mamay Story).


Aminado naman ang action star na disiplinado siya sa katawan at wala siyang bisyo, maagang natutulog kaya hindi halatang senior citizen sa mga co-actors niya sa pelikula.


Ginanap ang red carpet special screening nito sa Cinema 1 Megamall nu'ng Martes nang gabi, na dinaluhan ng napakaraming artista na kahit hindi kasama sa pelikula ay naroon bilang suporta sa mayor ng Nunungan, Lanao del Norte.


Sey ni Jeric, “Ang movie ay istorya ni Mayor Mamay, napakaganda na hindi hadlang ang kahirapan tungo sa pag-unlad ng isang tao. Noong unang ikinukuwento ang istorya na ‘yan, parang sa MMK (Maalaala Mo Kaya) lang. ‘Pag narating mo ‘yung lugar ng Nunungan, mahirap na bayan, pero ngayon, napaunlad na sa pamamagitan ng masipag nilang alkalde na si Mayor Mamay.”


Sabi naman ni Mayor Mamay, na may cameo role sa pelikula at bilang producer, pinuri niya si Jeric sa pagganap nito sa saktong kuwento na gustong mapanood sa pelikula.

“Highlight po dito ‘yung family feud o rido, ‘yung ubusan ng lahi. So, action din ‘to,” saad ni Mayor Mamay, na nahirapang tapusin ang pag-aaral dahil sa tinatawag na “rido” o alitan ng mga magkakamag-anak na humahantong sa patayan.


Sobrang hirap ng buhay ang nakagisnan noon ng batang Mamay Marcos dahil magsasaka ang magulang at masuwerte nang makakain sila ng dalawang beses sa isang araw.


Habang pinapanood namin ang pelikula, napapapalakpak kami at panay ang pasasalamat namin sa aming isipan at sa Diyos dahil hindi namin naranasan ang ganu’ng uri ng buhay at higit sa lahat, wala namang naganap na patayan sa aming lahi. 


Kaya pursigidong makatapos ng pag-aaral noon si Mayor Mamay para maayos niya ang pamilya’t mga kaanak na tigilan na ang rido o alitan ng pamilya, bagkus ay magtulungan para sa ikauunlad ng kanilang buhay na nangyari naman sa huli.


At dahil kausap na ng media si Jeric, hindi naiwasang muli siyang tanungin tungkol sa viral photo na may kasamang bata si AJ Raval at boyfriend nitong si Aljur Abrenica.

Tila napailing si Jeric dahil paulit-ulit lang daw ang tanong at ilang beses na nila itong sinagot.


Inamin ng aktor na apo niya ang bata sa anak niyang si Ace.

“Apo ko du’n sa anak ko, si Ace, ‘yung rapper. Alam n’yo, ang dami kong apo, thirteen, magpo-fourteen na apo ko. ‘Yung mga apo ko, sabay-sabay ‘yan, batang maliliit. Isa sa mga apo ko siguro ang kasama. Natawa lang ako nang makita ang viral photo.”


Samantala, ang Mamay: A Journey to Greatness (The Marcos Mamay Story) ay target na ipalabas sa mga eskuwelahan para makita ng mga mag-aaral na hindi hadlang ang kahirapan para makamit ang pangarap.


At saka na ito ipapalabas sa mga sinehan mula sa Mamay Productions at idinirek ni Neal ‘Buboy’ Tan.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page