ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Feb. 26, 2025

Patuloy, mainit at walang humpay mula pa noong nakaraang taon hanggang ngayon ang kasong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte. At walang makapagsasabi kung kailan ito matatapos — mapatunayan man siyang nagkasala sa mga ibinibintang sa kanya o mapawalang-sala.
Bilang isang pangkaraniwang mamamayang Pilipino na patuloy na sumusubaybay at nagmamasid sa mga kaganapan sa ating bansa, tungkulin kong magpahayag ng aking saloobin hinggil sa nasabing kaso. Subalit bago ko gawin iyan, repasuhin muna natin ang mga kaganapan nitong mga nakaraang araw.
Disyembre 2024, tatlong magkakasunod na kaso para sa impeachment ni VP Sara ang iniharap sa Tanggapan ng Secretary-General ng House of Representatives o Kamara. Ang mga nasabing kaso ay sinang-ayunan (endorsed) ng ilang miyembro ng Kamara.
Sa ilalim ng Rule II, Sec. 3 ng House of Representatives Rules of Procedure in Impeachment Proceedings, dapat agaran (immediately) na ipinadala ito ng Secretary-General sa Tanggapan ng Speaker ng House of Representatives upang maisama sa Order of Business sa loob ng 10 araw ng sesyon matapos itong matanggap ng Speaker, at maendorso naman sa Committee on Justice sa loob ng tatlong araw ng sesyon. Ito rin ang itinatakda sa ilalim ng Art. XI, Seksyon 3(2) ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.
Subalit nabimbin ang tatlong naturang impeachment complaint sa Tanggapan ng Secretary-General. At noong Pebrero 5, bigla na lamang nabalita na may ikaapat nang impeachment complaint ang inihain sa Kamara sa pangunguna ni Kinatawan Ferdinand Alexander Marcos, panganay na anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pirmado at sinang-ayunan ng 215 miyembro ng Kamara.
Sa ilalim ng Art. XI, Sek. 3(4) ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, kung isang-katlo (1/3) ng mga miyembro ng Kamara ay sang-ayon sa isang impeachment complaint, ito ay siyang magiging Articles of Impeachment na dapat ipadala agad sa Senado para magkaroon ng paglilitis. Ang 215 ng sumang-ayon at pumirma sa ikaapat na impeachment complaint ay mahigit pa sa isang-katlo (1/3) ng miyembro ng Kamara.
Nang hapon noong araw ding iyon, Pebrero 5, agad na nagtungo ang House Secretary-General sa Senado upang ihain ang Articles of Impeachment at ito naman ay aktuwal na tinanggap ng Secretary of the Senate. Bagama’t aktuwal itong tinanggap ng Senate Secretary, paliwanag nito, kailangan pa niya at ng kanyang mga tauhan na suriin ang mga dokumentong natanggap nila mula sa House Secretary-General bago ito opisyal na i-report sa Senate President.
Sa Senate Rules on Impeachment, matapos na opisyal na matanggap ng Senado ang Articles of Impeachment, katungkulan ng Senate President na ipaalam sa Kamara na handa na ang Senado na tanggapin at panumpain ang mga tagausig ng House of Representatives (House Panel of Prosecutors).
Subalit nang araw ding iyon, Pebrero 5, nag-adjourn ang Senado para muling bumalik sa sesyon sa Hunyo 2.
Pito sa kasalukuyang senador ang tatakbong reeleksyunista na sina Sens. Bato de la Rosa, Bong Go, Pia Cayetano, Lito Lapid, Imee Marcos, Bong Revilla at Francis Tolentino.
Marami ang kinukuwestiyon ang naging aksyon ng Senado sa hindi agad pagbuo at pag-upo ng mga senador bilang impeachment court sapagkat ipinag-uutos ng Art. XI, Sek. 3(4) ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas na matapos matanggap ng Senado ang Articles of Impeachment, dapat isunod agad ang paglilitis. Ang eksaktong mga salitang ginamit sa nasabing probisyon ay “trial by the Senate shall proceed forthwith.” Sa Tagalog, ang forthwith ay “dagli”, “agad-agad”, “madalian.” Isang abogado ang kaagad nagharap sa Korte Suprema ng Petition for Mandamus na naglalayong utusan ng Kataas-taasang Hukuman ang Senado na simulan agad ang paglilitis kay VP Sara.
Kaugnay ng mga pangyayaring iyan, dalawang magkahiwalay na Petition for Certiorari and Prohibition ang iniharap sa Korte Suprema upang ideklarang unconstitutional at walang bisa simula pa ang impeachment complaint na ipinadala ng Kamara sa Senado. Ang una ay iniharap ng ilang abogadong taga-Mindanao at ang pangalawa ay ni VP Sara. Nanindigan ang mga petitioner na ang hindi pagsunod ng Kamara sa mga probisyon ng Artikulo XI, Sek. 3 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, ay malubhang pagsasamantala sa diskresyon ng Kamara na humantong sa kawalan o kalabisan ng hurisdiksyon nito (grave abuse of discretion on the part of the House of Representatives amounting to lack or excess of jurisdiction).
Samakatuwid, ito ay saklaw ng kapangyarihan ng Korte Suprema sa ilalim ng pinalawak na hurisdiksyon nito sa ilalim ng Art. VIII, Sek. 1, ika-2 talata ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.
Bilang pagpipitagan at paggalang sa Korte Suprema ay hindi ako magkokomento pabor o salungat sa paninindigan ng mga pro- at anti-impeachment. Ito lamang ang aking masasabi sa gitna ng iba’t ibang tagisan ng maiinit na saloobin.
Sa ilalim ng Artikulo I, Sek. 1 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, “Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.” (Sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them).
Si VP Sara Duterte ay iniluklok sa kanyang kasalukuyang posisyon ng boto ng 32 milyon at higit pang botanteng Pilipino. Ang bawat isa sa 32 milyon+ na iyon ay butil ng kapangyarihan ng sambayanan (particle of sovereignty), ayon kay Mahistrado Jose P. Laurel sa kasong Moya v. del Fierro. Ito ay dapat masusi at malalim na maisaalang-alang ng Senado sa pagdinig ng kasong impeachment laban sa bise presidente at tiyaking lahat ng pagdududa at pag-aalinlangan kung nagkasala siya o hindi ay dapat resolbahin pabor sa taumbayan.
Kung sa isang kasong kriminal, lahat ng pagdududa o pag-aalinlangan kung nagkasala o hindi ang isang isinakdal ay nireresolba pabor sa nasasakdal, dapat ito rin ang maging gabay at panuntunan sa nasabing kasong sapagkat hindi maikakailang si VP Sara ay pinagkatiwalaan ng 32 milyon at higit pang botanteng Pilipino upang maging kanilang bise presidente.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Commentaires