top of page
Search
BULGAR

Isyu ng Comelec hacking, busisiin ng kamara at senado, plis lang!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 19, 2022



Kulang-kulang apat na buwan na lang, eleksiyon na! Kaya naman, ang mga kandidato ay puspusan at kani-kanyang diskarte na sa pangangampanya kahit nasa kasagsagan pa ng pandemya.


Pero sa kabila ng kagustuhan nating magkaroon ng malinis, tapat, payapa, maayos, may kredibilidad at malayang eleksiyon na ipinu-push din ni Pangulong Rodrigo Duterte, eh, chika ng ilang Marites na may ilang lokal at dayuhang grupong gumagapang para magkaroon ng aberya ang Comelec?


Eh, ‘di ba nga, naibalitang na-hack ang 60 gigabytes ng sensitibong datos ng automated election system (AES) ng Comelec, hinggil sa mga tauhan ng Comelec, mga lokal at mga Pilipinong botante sa abroad, gayundin sa mga vote counting machine at voting precincts! Grabe, if true ‘yan!

Diyoskopo! Delikadong mauwi ‘yan sa failure of elections at magdudulot din ng krisis sa Konstitusyon kapag pinagkaitan ang 67 milyong Pinoy ng kanilang tsansang makapaghalal ng bagong pangulo, bise-presidente at Kongreso sa Mayo!


Eh, ayon sa Omnibus Election, puwedeng ideklara ang failure of elections dahil sa fraud o panloloko. Ayon din sa Republic Act 7166, ang mga dahilan para sa failure of election ay maaaring mangyari bago pa man, sa gitna ng o pagkatapos ng pagbilang ng mga balota.


Pero, tiniyak ng Comelec na ligtas pa rin ang kanilang mga server at sinigurong hindi magkakaaberya sa mismong araw ng eleksiyon! Gayunman, sa ganang atin, kung may usok ay kailangan pa ring makasiguro sa chika na ‘yan! Kaya IMEEsolusyon d’yan, bilang tayo, eh, chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, naghain tayo ng resolusyon para imbestigahan ‘yan.


Ipatatawag natin ang Comelec, National Privacy Commission, Department of Information and Communications Technology Cybercrime Investigation And Coordinating Center (DICT-CICC), National Bureau of Investigation Cybercrime Division, Manila Bulletin, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Movement for Free Elections (Namfrel), Legal Network for Truthful Elections (Lente), Democracy Watch, at Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) /AES Watch.


Ang mga ahensiyang ‘yan ang magbibigay-linaw kung totoong may hacking o wala. Kailangan magkapit-bisig ng Senado at Kongreso sa usapin para hindi malusutan ng mga hackers at mapanagot din kung totoo mang may nangyaring hacking.


Hirit na rin natin sa ating mga counterpart sa Kongreso na sabayan tayo sa pagbusisi sa isyung ‘yan. Ipatawag na natin ang Joint Congressional Oversight Committee para sa Automated Election System. Kapit-bisig na tayo laban sa failure of elections!


Panawagan din nating magtulungan tayong lahat sa pagbabantay para masiguro ang malinis, tapat, mapayapa, maayos at may kredibilidad na eleksiyon! ‘Wag nating palusutin ang mga tiwali sa halalan. Tara na!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page