ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 20, 2024
Kumpletong set ng mga textbook ang kailangan upang maiangat ang performance ng mga mag-aaral sa lahat ng public schools sa bansa. Ngunit hindi ito makakamit kung patuloy na haharap sa mga hamon pagdating sa textbook procurement. Ilan sa mga ito ay ang mataas na participation cost, mahabang proseso ng pagsusuri, at iba pang mga isyu sa presyo. Umaabot pa ng humigit-kumulang tatlong taon ang proseso ng pagbili ng mga textbook na dapat sana’y 180 araw lamang.
Ayon sa Year One Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na 27 lamang sa 90 titles ang nabili para sa Grade 1 hanggang Grade 10 simula 2012. Lumabas din sa ulat na ang Grade 5 at Grade 6 students lang ang may kumpletong mga textbook sa lahat ng mga subject. Hindi rin nagamit nang husto ang mga inilaang pondo para sa mga textbook at iba pang instructional materials. Sa P12.6 bilyong inilaan mula 2018 hanggang 2022, P4.47 bilyon (35.3 porsyento) ang obligated, samantalang P951.9 milyon (7.5 porsyento) lamang ang nagamit.
Base sa kalkulasyon ng aking tanggapan, tinatayang humigit-kumulang na P28 bilyon pa ang kakailanganin para matiyak ang 1:1 na student-textbook ratio. Ito ay katumbas ng apat na porsyento ng mahigit P700 bilyong pondo ng Department of Education (DepEd).
Mahalaga na tiyakin ng pamahalaan na may textbook ang bawat mag-aaral. Upang mangyari ito, kailangang ayusin ang proseso. Maaari nating isulong ang paglalaan ng P28 bilyon kada taon para sa pagbili ng mga textbook, ngunit baka masayang lang kung maglalaan nga tayo nito pero aabutin naman ng tatlong taon bago pa ito magamit.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, iminumungkahi ng inyong lingkod na i-liberalize ang pagbili ng textbooks upang hindi tayo magkaroon ng problema sa logistics at proseso ng bidding, lalo na’t inaabot ng matagal na panahon at nakakaapekto ito sa performance ng mga bata. Kung ang mga mag-aaral lamang sa Grade 5 at 6 ang may kumpletong set ng textbooks at hindi nabibigyan ang iba, hindi natin maaaring asahan na magiging mahusay ang ating mga mag-aaral dahil wala silang sapat na gamit sa pag-aaral.
Hinihimok nating pag-aralan ng DepEd ang Textbook Authorization Research Council ng Japan na nag-a-accredit ng mga textbook title at tumitiyak na sumusunod sa mga pamantayan ang mga ginagamit na aklat. Nagbahagi sa mga paaralan at mag-aaral ng listahan ng mga accredited na title upang magabayan ang pamimili nila ng mga aklat.
Samantala, isinusulong ng inyong lingkod na maamyendahan ang Book Publishing Industry Development Act (Republic Act No. 8047) upang mapabilis ang proseso ng pagbili ng mga textbook at para tiyakin kung nakakasabay ang book publishing industry ng Pilipinas sa pagbabago ng panahon at sa digitalization.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Commentaires