ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 24, 2021
Nitong mga nagdaang araw, naging usap-usapan ang community pantries at iba pang inisyatibo ng ordinaryong mamamayan para makatulong sa kapwa. Nakatutuwang makita ang patuloy na pakikipagbayanihan ng mga Pinoy sa kabila ng matinding hamon na kinahaharap ng bawat isa sa atin ngayon.
Sang-ayon ang gobyerno na dapat makiisa tayong lahat sa mga inisyatibo ng ating mga komunidad. Kaya nanawagan tayo mga kapwa lingkod-bayan, kasama na rin ang mga sundalo at kapulisan, na makisama tayo at suportahan ang mga community pantries sa pamayanan.
Kapag ang gobyerno ay may programa para sa tao, ineenganyo natin ang publiko na sumunod at makiisa. Kaya kapag ang publiko naman ang may sariling inisyatibo na makabubuti sa taumbayan, tungkulin din ng mga nasa gobyerno na magbigay-suporta, makilahok at paigtingin pa ito lalo para mas marami ang makabenepisyo.
Iisa lang naman ang hangarin nating lahat at ‘yan ay ang maiahon ang buong bansa mula sa krisis na ito. Kung sama-sama tayo tungo sa iisang layunin, mas makasisiguro tayong walang mas maghihirap, walang mas magugutom, at walang maiiwang Pilipino tungo sa ating muling pagbangon bilang matatag na sambayanan.
Nitong Martes, namahagi tayo ng tulong sa mahigit isang daang sundalo ng 10th Infantry Division sa okasyon ng kanilang blood donation sa Bgy. Tuboran, Mawab, Davao de Oro. Tinulungan din natin ang 336 kataong nasunugan sa Zone 9, Brgy. 61, Pasay City. Umabot sa 3, 582 residente naman na apektado ng nagdaang Bagyong Auring ang nabigyan natin ng ayuda sa San Agustin, Surigao del Sur sa loob ng dalawang araw.
Pagdating naman ng Miyerkules, dumayo tayo sa Sta. Praxedes, Cagayan kung saan 95 na residente na apektado ang kabuhayan ng pandemya ang ating tinulungan. Namahagi rin tayo ng tulong sa 2,622 na mga kababayang Aeta sa Porac at 51 biktima ng sunog sa Mabalacat sa probinsiya ng Pampanga.
Kahapon naman ay patuloy pa rin ang pag-iikot ng ating opisina. Nag-abot tayo ng tulong sa mga nabiktima ng sunog sa iba’t ibang parte ng bansa — 20 pamilya sa Barobo at 23 pamilya sa Tandag City, Surigao del Sur, 13 pamilya sa Quezon City at 22 pamilya sa Cagayan de Oro City. Maliban pa riyan, bumalik ang ating opisina sa Pampanga upang maghatid ng tulong sa mga kababayan nating Aeta sa Floridablanca na umabot sa 1, 320 katao. Sa mga nabiktima naman ng nagdaang bagyo sa Mindanao, nakapagdala tayo ng tulong sa 1,646 katao sa Barobo, Surigao del Sur, 559 katao sa Kitcharao, Agusan del Norte, at 187 katao sa San Francisco, Surigao del Norte. At panghuli, dumayo ang ating opisina sa Mallig, Isabela upang mag-abot ng tulong sa 228 kataong lubhang apektado ng pandemya.
Sa bawat lugar, namigay tayo ng masks, face shields, vitamins, food packs, pagkain, at iba pang klase ng tulong. Kasama na riyan ang paghati-hati sa ilang batches ng mga benepisaryo, pagkakaroon ng social distancing at iba pang mga hakbang upang maiwasan ang hawaan ng sakit.
Palagi nating isapuso na karangalan at tungkulin ng bawat Pilipinong maging parte ng bayanihan. Kung anumang kabutihan ang puwede nating gawin para sa kapwa ay gawin na natin ngayon. Kung anumang biyaya ang meron tayo, ipamahagi rin natin ito ayon sa ating kakayanan. At kung may sobra tayong kagamitan o pagkain sa bahay, ipagkaloob sa iba kaysa masira, mag-expire o mabulok. Huwag natin hayaan na masayang ang biyayang meron tayo lalo na kung mapapakinabangan ito ng ibang mas nangangailangan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentarios