top of page
Search
BULGAR

Isulong ang pondo para sa certification ng tech-voc senior high school graduates

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 21, 2023

Tinanggap ng Senate Committee on Finance ang panukala ng inyong lingkod na pondohan ang certification ng mga mag-aaral sa Grade 12 na nasa technical-vocational-livelihood (TVL) track. Malaking tulong ito upang itaas ang tsansang makapasok sa magandang trabaho ang mga mag-aaral na ito.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, iminumungkahi natin ang paglalaan ng P438.16 milyon sa ilalim ng development regulatory program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Gagamitin ang naturang pondo para sa assessment at certification ng tinatayang 420,967 mag-aaral sa Grade 12 na nasa TVL track.


Nakakaalarma kasi ang tinatawag nating ‘dead end’ para sa mga mag-aaral ng senior high school na nasa TVL track.


Base sa datos ng Department of Education (DepEd) para sa School Year (SY) 2020-2021, 6.7 porsyento lamang o 32,965 sa 473,911 graduates ng senior high school sa TVL track ang dumaan sa assessment para sa national certification. Sa mga kumuha ng national certification, 31,933 o 97 porsyento ang pumasa.


Ang nagiging sagabal sa pagkuha ng assessment para sa national certification ay ang gastos na nagkakahalagang P760 hanggang P1,370. Mahalagang hakbang ang paglalaan natin ng pondong ito sa certification ng ating mga senior high school graduates upang magkaroon sila ng magandang trabaho.


Batay din sa pananaliksik ng ating tanggapan, 50 porsyento ng mga senior high school TVL graduates ang nagtatrabaho sa mga elementary occupations, o iyong mga trabaho na nasa pinakamababang kategorya pagdating sa skills requirement. Halimbawa ng mga trabahong ito ang mga street vendors, cleaners, domestic helpers, car at window washers, at street sweepers.


Nakakadismayang isa na naman itong pahiwatig na hindi natupad ang pangako ng sistema ng edukasyon na ihanda ang mga senior high school graduates para sa trabaho o sa pagnenegosyo.


Isinusulong din ng inyong lingkod ang pagsasabatas ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) na layong ihanda ang mga senior high school graduates para sa kolehiyo, middle-skills development, trabaho, o pagnenegosyo. Iminumungkahi rin ng panukalang batas ang libreng national competency assessment para sa mga senior high school learner ng DepEd.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page