top of page
Search
BULGAR

Istayl ng mga nag-aambisyong maging pangulo, bulok!

ni Ryan Sison - @Boses | September 28, 2021



Galing sa hirap.


Ito ang kadalasang sinasabi ng mga kandidato na nais magkaroon ng mataas na posisyon sa gobyerno tuwing palapit ang halalan.


Pero ayon sa isang political analyst, hindi na mabenta ngayon sa mga botante ang pagpipresinta ng isang kandidato na siya’y galing sa hirap.


Ayon kay Froilan Calilung, nagtuturo ng political science sa University of Santo Tomas (UST), dati na itong ginagawa ng mga kandidatong tumatakbo sa mataas na posisyon.


Samantala, malakas ang kutob ng netizens na sina Senator Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno ang tinutukoy sa pahayag dahil madalas umanong banggitin ng mga ito na galing sila sa hirap at nauunawaan ang mga isyu na kinakaharap ng mga simpleng mamamayan.


Sa totoo lang, isa sa mga prebilehiyo ng pagkakaroon ng lider na galing sa hirap ay ang pagiging mulat sa mga tunay na nangyayari sa mga nasa laylayan ng lipunan, pero kung tutuusin, kahit sino ay kayang gumawa nito, basta totoo sa serbisyo.


Kung noon, maraming botante ang nadala sa ganitong istayl, mas marami na tayong kababayan na mulat sa katotohanan. At kasabay ng napakaraming isyu na dala ng pandemya sa nakalipas na taon, kitang-kita na kung sino ang mga karapat-dapat iluklok sa puwesto.


Hindi kailangang galing sa hirap o isang kahig isang tuka noon, ang mahalaga ay may “K” mamuno at magsilbi sa ating bayan. ‘Yung gagamitin ang puwesto para sa ikabubuti ng nakararami at hindi para sa sarili.


Kaya sa nalalabing panahon bago ang halalan, pakiusap sa ating mga kababayan na kilatisin at kilalaning mabuti ang mga nais iboto.


Tandaan, ilang taon ng ating buhay ang nakasalalay dito kaya plis lang, ‘wag magpadala sa mga lumang istayl.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page