top of page
Search
BULGAR

Israel vs. Iran, nasa bingit ng World War 3

ni Ka Ambo @Bistado |April 21, 2024




BINOMBA na ng Israel ang nuclear program complex ng Iran.

Nagkakaisa ang mga eksperto na nasa bingit na ng World War 3 ang daigdig.

Nanangkupooo!


 

NILINAW naman ng Iran na walang gaanong pinsala at hindi sila reresbak.

Sa ngayon!


 

MARAMI ang hindi nakakaunawa ng sitwasyon.

Dapat ay matuto ang lahat ng “pagbabasa” sa likod ng mga balita.

Karaniwan sa ating mga nababasa ay “pakunwari” lamang at peke ang mensahe.


 

ANG higit na 300 missiles at drone na pinakawalan ng Iran kontra sa Israel — ay inabiso muna upang hindi gaanong makapinsala.

Inaakala ng lahat na epektibo ang pagkontra ng Israel sa atake ng Iran.


 

DAPAT nating maunawaan na sinaklolohan ang Israel ng U.S., Britain, Jordan at France sa pagkontra sa atake.

Paano kung hindi sila dinepensahan ng ibang bansa?

Paano kung isinikreto o hindi inabiso ng Iran ang pag-atake?


 

DAPAT din nating maunawaan na higit sa 300 units ng missile at drone ang pinakawalan ng Iran.

Paano kung ginawang higit sa 1,000 units ang pinakawalan?


 

SAMANTALA, walang abiso ang Israel sa pag-atake sa nuclear city ng Isfahan sa Iran.

Hindi rin idinaan sa airspace ng karatig bansa ang atake ng drone.

Inamin mismo ng Iran na isang “infiltrator” ang umatake sa kumpas ng Israel.


 

Ang isyu rito ay ang tapang at kakayahan ng Iran na magpakawala ng bomba mula sa sarili nilang teritoryo patungo sa aktuwal na teritoryo ng Israel.

Ibig sabihin, may kapasidad ang Iran na atakehin nang direkta ang Tel-aviv at Jerusalem.


 

MALINAW din na may kakayahan ang Israel na umatake nang sorpresa “gamit ang mga infiltrator” mula mismo sa loob ng teritoryo ng Iran.

Parehong may “lihim” na mensahe ang Iran at Israel sa isa’t isa.


 

PINIGIL na ng Iran ang mga UN inspector sa mga pasilidad sa nuclear program.

Posibleng lihim na silang gumagawa ng nuclear bomb — nang wala nang makakapigil.

 

 

ANG nuclear bomb na ito — ang nais mapigil ng Israel at U.S.

Pero, dahil wala nang inspector at patuloy ang banta ng Israel — posibleng ituloy ang paggawa ng nuclear bomb.


 

LAHAT ng bansa ay sinisikap na pigilin ang posibleng ikatlong digmaang pandaigdig.

Hindi inaabiso ang pagpapasabog ng nuclear bomb.


 

Kung sino ang unang magpasabog, siya ang iiskor at may potensyal na magwagi.

Iyan ay walang nakakaalam at nakakatakot.


 

SA maniwala kayo o hindi, lihim na naghahanda ang malalaking bansa sa potensyal ng isang giyera-mundial.

Pero, ang maliliit o mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas, makikitsika lang at mag-aantay ng “kapalaran”.



0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page