top of page

Isnaberong taxi driver, dapat tuluyan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 21, 2025



Boses by Ryan Sison

Isa sa madalas na pinoproblema ng maraming komyuter sa araw-araw ay ang makakuha ng masasakyan, gaya ng dyip o e-jeep, tricycle, bus, train, at siyempre kung may budget ay taxi sa pagpasok sa mga trabaho o sa eskwela. Pero paano kung sa tagal ng pag-aabang sa lansangan o terminal ang paparahing sasakyan ay isnabin ng mga drayber at hindi pasakayin, siguradong perhuwisyo ito dahil male-late ka sa trabaho.


Kaya naman ang Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ay naglunsad ng crackdown o pagtugis sa mga taxi driver na tumatanggi o namimili ng mga pasahero.


Ayon sa LTO-NCR, ang “Oplan Isnabero” ay inilunsad kahapon, Abril 20, sa mga pangunahing transport terminal sa Metro Manila. Ang naturang kampanya ay bahagi ng pagsusumikap nila na matiyak ang accessible na pampublikong transportasyon, kasabay ng libu-libong mga biyahero ang bumabalik na sa Kamaynilaan matapos ang mahabang bakasyon nitong Semana Santa.


Hinimok naman ni LTO-NCR Regional Director Roque Verzosa III, ang mga taxi driver na gampanan ang kanilang mga responsibilidad, lalo na sa panahon ng pagtaas ng demand o pagdami ng mga komyuter na naghahanap ng masasakyan. Nagbabala rin ang opisyal sa mga tatanggi sa mga pasahero na siguradong mahaharap sila sa kaukulang parusa. 


Giit ni Verzosa, sisiguraduhin nila na mapaparusahan ang mga taxi driver na tatangging magsakay ng pasahero.


Sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01, ang pagtanggi na maghatid ng mga pasahero ay may parusang multa mula P5,000 hanggang P15,000. Maaari namang harapin ng uulit na offenders ang revocation ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC).


Ang “Oplan Isnabero” ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng LTO, ang “Oplan

Biyaheng Ayos: Oplan Semana Santa at Summer Vacation 2025,” kung saan buong deployment na ng mga tauhan ang kanilang itinalaga sa mga lansangan mula pa noong nakaraang linggo.


Malaking tulong sa lahat ng pasahero kung accessible ang mga transportasyon at maayos din ang mga drayber.


Hindi talaga tama na dedmahin ng mga taxi driver ang mga pasaherong gustong sumakay sa kanila. Iyon bang pipiliin nila ang type lang nilang pasakayin, na kapag matanda ang pumara ay diretsong haharurot pero kapag babae ang sasakay siguradong kanilang hihintuan. Sa ganyang istilo na akalang makakabuti ay maaaring makasama pa, at baka sa kapipili nang kapipili ay holdaper naman ang naisakay.


Paalala lang sa ating mga taxi driver na may tungkulin kayong dapat gawin at ito ay ang isakay at ihatid nang ligtas ang mga pasahero sa kanilang pupuntahan o destinasyon. Huwag ding masyadong ‘choosy’ sa isasakay na pasahero dahil kapag lumabag o nahuli ng kinauukulan, siguradong kayo ay paparusahan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page