ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 6, 2023
Nakakapangamba ang mga sakuna tulad na lang ng patuloy na pag-alburoto ng Bulkang Mayon.
Alam natin na sa panahon ng kalamidad, ginagamit ang mga paaralan bilang evacuation centers.
Noon pa man ay iginigiit na natin ang pagtatayo ng mga evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa nang sa gayon ay hindi maantala ang pagpapatuloy ng edukasyon.
Sa pinakahuling ulat, 18 na paaralan sa elementarya at high school at 290 na silid-aralan ang ginagamit sa buong Albay bilang pansamantalang silungan ng mahigit 20 libong evacuees.
Hanggang sa ngayon ay suspendido pa rin ang mga klase sa anim na munisipalidad sa probinsya.
Kahit nasa 80% na ng mga mag-aaral ang nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral gamit ang mga module, patuloy naman ang iba sa face-to-face classes na isinasagawa ng mga guro sa mga gymnasium o daycare center, pati na rin sa mga corridor o sa ilalim ng mga puno.
Matagal na nating isinusulong ang pagpapatayo ng mga evacuation center sa lahat ng mga lungsod at munisipalidad sa bansa. Sa ilalim ng Evacuation Center Act (Senate Bill No. 940) na inihain ng inyong lingkod, ipapatayo sa bawat siyudad at munisipalidad ang angkop na pasilidad sa mga indibidwal at pamilyang kailangang lumikas dahil sa mga sakuna at kalamidad.
Nakasaad sa ating panukala ang requirement na dapat kayanin ng mga evacuation center ang mga hanging may bilis na 320 kilometers per hour o 200 miles per hour at lindol na may lakas na 7.2 magnitude pataas.
Bukod dito, kailangan ding makipag-ugnayan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga alkalde upang tukuyin ang mga lugar na bibigyang prayoridad sa pagpapatayo ng mga evacuation center.
Para naman sa mga lugar na bibigyang prayoridad pero walang espasyong maaaring patayuan ng evacuation center, maaaring ayusin ng NDRRMC ang mga pasilidad sa paaralan o iba pang istrakturang ginagamit na bilang evacuation centers at gawin ang mga ito na mas matibay.
Sa Children’s Emergency Relief and Protection Act (Republic Act No. 10821), minamandato na gamitin lamang ang mga classroom bilang evacuation center kung wala nang ibang pasilidad na maaaring magamit.
Nakakadismaya na ginagamit pa rin ang mga paaralan bilang evacuation center dahil nakakasagabal ito sa pag-aaral ng mga estudyante. Kaya naman para maiwasan na natin ang paggamit sa mga klasrum bilang evacuation center, napapanahon nang maipatayo sa bawat lungsod at munisipalidad ang angkop na pasilidad kung saan maaaring manatili ang mga biktima ng mga kalamidad.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios