ni Lolet Abania | November 2, 2020
Tinatayang 19 ang namatay at 22 ang nasugatan nang pagbabarilin at pasabugin ng mga militante ang Kabul University, ang pinakamalaking unibersidad sa Afghanistan ilang oras matapos na sila’y makipaglaban sa security forces, ayon sa opisyal ng nasabing bansa.
"Three attackers were involved. One of them blew up his explosives at the beginning, two were brought down by the security forces," pahayag ni Interior Ministry Spokesman Tariq Arian.
Paliwanag ng grupong Taliban, wala silang kinalaman sa naganap na insidente ngayong Lunes sa Kabul University. Subali’t maraming eskuwelahan na ang inatake ng extremist groups tulad ng Islamic State (IS) sa nakalipas na taon.
Ayon kay Kabul Police spokesman Ferdaws Faramerz, karamihan sa mga nasawi ay mga estudyante. Gayundin, ayon kay Hamid Obaidi, isang tagapagsalita ng Ministry of Higher Education, nagsimula ang pag-atake ng mga militante nang dumating ang mga opisyal ng gobyerno para sa pagbubukas ng Iranian book fair na inorganisa ng nasabing eskuwelahan.
Unang pinagbabaril ng mga gunmen ang pasilidad ng unibersidad kung saan daan-daang mga estudyante ang nagtakbuhan at nag-unahan sa paglabas ng campus, ayon sa isang nakasaksi. Mayroong 800 estudyante ang nasa Social Sciences Faculty nang oras na iyon.
"The attack is over, but sadly 19 people have been killed and 22 more wounded," ayon sa post ni Arian sa Twitter. Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Afghan security forces at sinusuyod ang nasabing lugar.
Naglagay din ng kordon sa mga daan papunta sa unibersidad para maiwasang lumala ang insidente. Inaalam pa ng awtoridad kung anong grupo ang umatake sa Kabul University.
Comments