ni Jasmin Joy Evangelista | April 2, 2022
Pinasalamatan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang faction ni former Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa pag-endorso sa kayang kandidatura sa pagkapangulo.
“Hindi naman ako nag endorse sa sarili ko," ani Moreno sa report sa 24 Oras. "Ini-endorse ako ng dalawang botante na nagkataon lamang ay binubuo ng malaking grupo na nagkataon din lamang na kasama nila (PFP). Kasama nila, ini-endorse ako. Salamat plus two.”
Inendorso rin ng Abubakar Mangelen wing ng PFP si Moreno sa ginanap na grand rally sa Iligan City Public Plaza.
“Well, it is a party endorsement so I did not do that.. they did it,” ayon pa kay Moreno.
Samantala, binatikos naman ni PFP national secretary-general Tom Lantion ang endorsement ng Mangelen faction kay Moreno.
Sa report ni Sandra Aguinaldo sa 24 Oras, sinabi ni Lantion na ni-reject ng partido ang endorsement, at tinawag itong “fake announcement.”
Dagdag pa ni Lantion, matagal nang walang koneksiyon sa Partido si Mangelen, na sinabihan din nitong “impostor”, at binubuo na rin umano ang isasampang reklamo laban dito.
Bilang tugon, binalaan ni Mangelen ang kampo ni Marcos Jr. na nanganganib ang kanyang kandidatura dahil maraming orihinal na miyembro ng Partido ang lumilipat na sa kanyang faction.
Sa ngayon ay wala pang tugon si Lantion hinggil dito.
Comments