ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | February 16, 2021
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Tigre o Tiger ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998 at 2010, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Tigre o Tiger.
Sinasabing bagama’t maraming magagandang pangyayari at suwerteng karanasan ang darating sa isang Tigre ngayong 2021, hindi naman mawawala na kasabay ng magagandang karanasang ito ay may manaka-nakang pagsubok at problemang darating. Ngunit ang mga pagsubok na ito ay madali namang malulunasan at masosolusyunan agad ng isang Tigre, basta ang mahalaga ay manalig siya sa taglay niyang galing at kakayahan.
Kapag dumarating ang mga biglaang pagsubok, dapat ding manalig siya na kasabay ng mga pagsubok na ito ay ang mga biglaang suwerte, kaya kailangang ang isang Tigre, anuman ang mangyari ay manatiling matatag, positibo ang isipan at buo ang loob.
Ang Tigre ay sinasabi ring kilala sa pagiging matulungin at may mababang loob, kumbaga, dahil sila ay madaling maawa, nagiging palabigay sila at matulungin, lalo na sa mga inaapi, mahihirap at biktima ng kalamidad, kung saan bagama’t hindi nila isinasapubliko ang pagtulong na kanilang ginagawa, bukal naman sa loob nila ang nasabing mga pagtulong nang lihim sa mga taong kinaawaan nila. Dahil sa pagiging matulungin na ito at may mababang loob, ang Tigre ay tunay namang palaging pinagpapala ng nasa itaas, kaya malimit siyang padalhan ng langit ng iba’t ibang uri ng surpresa sa kanyang buhay, lalo na ang mga bagay na may kaugnayan sa materyal na bagay at pagpapalago ng kabuhayan.
Sa pakikipagrelasyon at pakikipag-ugnayan sa kapwa, kailangang-kailangan ng Tigre ng simpatya at mga taong maniniwala, uunawa at daramay sa kanya. Sapagkat sa totoo lang, sa 12 animal signs, Tigre ang isa sa pinakamahirap maunawaan, kaya naman madalas, ang hinahanap niya sa isang babae o lalaki ay ang makakasapol ng malalim niyang kalungkutan at pagkatao. Tunay ngang malalim ang kalungkutan at pagkatao ng isang Tigre dahil ipinanganak siyang tila palagi niyang nadaramang kakaiba siya at nag-iisa. Kaya sa pakikipagkaibigan, matagal magtiwala ang Tigre dahil ang iniisip agad niya ay hindi naman tapat at totoo ang mga taong nakakatagpo at nakakaharap niya.
Gustung-gusto ng Tigre na pinapayuhan o binibigyan siya ng advice, kahit ang totoo ay hindi naman siya naniniwala sa mga ipinapayo at kahit ano pa ang ipayo mo sa kanya, malabo naman niya itong gawin dahil may unique at kakaibang pagkatao ang Tigre, na sadya namang mahirap mong mahuli ang kanyang kiliti.
Bukod sa mahirap mahuli ang kiliti ng Tigre, kadalasan ay siya rin ang may matigas na paninindigan, kaya anuman ang kanyang tinayuan na paniniwala, maaaring napakahirap mo na itong ipabago pa sa kanya, kahit alam na alam niyang mali ang isang posisyon o paniniwala na tinayuan niya.
Ganundin sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, basta ito ay ginusto niya— mali man o tama at kumontra man ang lahat — walang makapipigil sa Tigre sa panahong siya ay in love na in love dahil para sa kanya, isa lang ang tama at mahalaga at ito ay ang magmahal nang lubusan.
Itutuloy
Comments