ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 26, 2023
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas ngayong Year of the Water Rabbit.
Tunay na ang lihim na ugali ng Ahas ay walang iniwan sa Matandang Ahas na tumukso sa Unang Babae sa mundo. Gamit ang mahusay niyang pananalita at pangungumbinsi, madali niyang napaniwala si Eva, na naging dahilan upang kainin ang bawal na prutas sa halamanan ng Eden, kaya naganap ang unang paglabag o kasalanan ng tao sa Diyos.
Kaya kung seseryosohin upang pagkaperahan o gamitin sa negosyo ang husay niyang ito sa pangungumbinsi at panghihikayat, walang duda na sa larangan ng pangangalakal at pagbebenta, ang Ahas ay tiyak na aasenso hanggang sa tuloy-tuloy na yumaman.
Ayon sa aklat na Chinese Elemental Astrology ni E.A. Crawford, et al, “Loaded with sex appeal and discretion, they exude a dramatic air of mystery. When a Snake enters a room, people always notice that he or she is there. Cinderella was most certainly a Snake.”
Ang isa pang maganda at positibong ugali ng Ahas ay hindi siya basta-basta naiistorbo, kinakabahan o nababahala nang labis sa mga negatibong pangyayari na nagaganap sa mundo at sa mga negatibong pangyayaring nagaganap sa kanyang kapaligiran.
Basta para sa isang Ahas, ang buhay ay ganyan lamang, walang panghihinayang at walang kinatatakutan, sapagkat alam at kuwentado niya ang hiwaga ng kalikasan at marunong siyang sumakay at magsaya sa araw-araw na takbo ng mga pangyayari sa kanyang kapaligiran. Kadalasan, pangit o maganda man ang maganap, nananatili siyang relaks at masaya.
Basta ang mahalaga sa isang Ahas ay batid niyang napaliligiran siya ng mabubuti, maaasahan at mapapakinabangang mga kaibigan. Kaya sa 12 animal signs, ang Ahas ang nakakapamili o sadyang pinagkalooban ng langit ng mabubuti at maaasahang kaibigan dahil para sa kanya, kaya niyang magtanggal o magbawas ng mga kaibigang traydor at hindi napapakinabangan.
Nagagawa niya ito dahil madali rin siyang magdagdag o mag-ipon ng mga kaibigang may silbi at maaasahan sa anumang sandali ng pangangailangan at kagipitan.
Bagama’t seloso o selosa at may pagka-possessive o makasarili, ang ikinaganda sa isang Ahas ay tulad ng nasabi na, hindi siya nanghihinayang na magtagal o mag-alis ng mga kaibigan o mga taong napamahal sa kanya, hangga’t nararamdaman niya na ang mga kaibigan at ang mga taong ito ay hindi na niya napapakinabangan pa.
Hindi siya nagpapahalaga sa relasyon dahil ang mas pinahahalagahan niya ay kung sino ang nakapagbibigay sa kanya ng saya at ganda. Ganu’n siya kapraktikal dahil kahit sabihin pang mahal niya ang kanyang karelasyon, tiyak na itatapon niya rin ito sa kangkungan sa sandaling hindi na siya nabibigyan nito ng saya, sarap at ganda. Dahil tulad ng nasabi na, mas pinahahalagahan ng Ahas ang ganda, sarap at saya sa isang relasyon nang higit sa nadarama niyang pag-ibig o pagmamahal sa kanyang kasuyo.
Ibig sabihin, madaling umibig at magmahal ang isang Ahas, subalit madali ring nawawala ang pag-ibig at pagmamahal na ito sa sandaling nawala na rin ang saya, ganda at sarap na nalasahan niya sa isang relasyon.
Itutuloy
Comentários