top of page
Search
BULGAR

Isinilang sa Year of the Snake, praktikal kaya masarap kasama

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 24, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas ngayong Year of the Water Rabbit.

Sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, sinasabing Ahas ang isa sa may pinakamasarap na buhay at may matimyas na panlasa. Kung kagandahan, malasang pagkain at hayahay na pamamahinga ang pag-uusapan, Ahas ang numero-uno sa ganitong istilo ng pamumuhay.


Kung dadalaw ka sa bahay ng isang kaibigan at naramdaman mong napakarelaks ng ambience sa nasabing bahay, walang duda na ang bahay na ito ay pag-aari ng isang Ahas.


Kaya masasabing napakasarap na mapangasawa ng Ahas kung home-loving individual ka. Kumbaga, kung gusto mo na nasa bahay ka lang, ibigin mo ang isang Ahas at siguradong magiging maligaya ang iyong karanasan sa piling ng iyong pamilya.


Sa umpisa, aakalain mo na ang isang Ahas ay parelaks-relaks lang ang istilo ng pamumuhay, subalit habang lumalalim ang inyong pagkakaibigan, mapapansin mo na bukod sa relaks at napaka-cool ng kanyang pagkatao, ang Ahas ay nagtataglay din ng malalim na katalinuhan at katusuhan.


Gayundin, praktikal sila, mabilis mag-isip, tiyak kung kumilos at listo kung umasta. Ang mga positibong katangian na ito ng Ahas ay dagdag pa sa may charismatic niyang pagkatao, na nagiging dahilan upang siya ay maging kaibig-ibig sa sinumang kanyang makakasama. Kung tutuusin, gugustuhin mo talaga siyang makasama, hindi lang nang isang araw kundi makasama habambuhay.


Ngunit sa madilim na bahagi ng kanyang pagkatao, sinasabi rin na ang Ahas ay hirap magtiwala. Lagi siyang naghihinala o nagdududa sa kanyang mga kasama at mahilig magsupetsa kahit hindi naman totoo ang kanyang mga hinala.


Ang ikinaganda lamang, kahit siya ay naghihinala, at hindi basta-basta nagtitiwala, hindi niya ito ipinahahalata o pinangangalandakan. Sa halip, pilit niya itong inililihim at hindi mo mahahalata na pinaghihinalaan ka na niya nang hindi maganda.


Kaya masasabing isa sa pinakamahirap na maging kaaway, pero masarap maging kaibigan ang gumagapang-gapang at aali-aligid na Ahas sa iyong harapan. Sapagkat sa sandaling naging lihim mo siyang kaaway, halimbawa ay lihim siyang nainis o nainggit sa iyo, walang pagdadalawang-isip at hindi mo rin mapapansin, magugulat ka na bigla ka niyang tutuklawin.


Kung ikaw ay may kaibigang Ahas, mag-ingat ka sa kanya at huwag mo siyang bibigyan ng dahilan upang magduda, mainis, magkamali o magkasala ka sa kanya, lalo na kung paplanuhin mo siyang lokohin o dayain dahil bago mo pa ito magawa, tiyak na mauunahan ka niyang tuklawin. Huli na ang lahat at magugulat ka pa dahil sa halip na madiskartehan mo siya, ikaw ang mauunahan niyang argabyaduhin.


Dagdag pa rito, mahusay ding magtago ng kasalanan o pagkakamali ang isang Ahas. Kumbaga, kung may kinatatakutan man siya o kasalanang nagawa, hindi mo ito basta-basta mapapansin o mahahalata sa kanyang pagkatao.


Sa eksaktong paglalarawan, akala mo ay napakahusay, napakabait at napakatalino ng Ahas na iyong kaharap ngayon. Pero ang hindi mo alam, sa likod ng magandang pagkatao na ipinapakita niya sa iyo, mahusay niyang naikukubli ang lahat ng kanyang kahinaan at negatibong ugali, kaya nahulog agad ang loob mo sa kanya at ibinigay mo nang isandaang porsyento ng iyong pagtitiwala.


Itutuloy

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page