ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 22, 2021
Sa mga nakaraang araw ay tinalakay natin ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Horse ngayong 2021 o Year of the Metal Ox.
Sa pagkakataong ito, ang pangunahing ugali at kapalaran naman ng animal sign na Sheep o Tupa na tinatawag ding Goat o Kambing ang tatalakayin natin.
Kung ikaw ay isinilang noong mga taong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015 at 2027, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Sheep o Tupa at tinatawag din Goat o Kambing.
Sinasabing ang animal sign na Kambing ay siya ring Cancer sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Moon.
Ang mga Kambing o Tupa ay natural na papalarin mula ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng hapon. Habang ang mapalad namang direksiyon ng Kambing o Tupa ay ang timog at timog kanluran o south at south-west na bahagi ng mundo o inyong tahanan o bakuran.
Sinasabing higit na nagiging mapalad ang isang Kambing na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init, kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-ulan o taglamig.
Gayunman, ang mga taong isinilang sa animal sign na Kambing o Tupa ay siyang pinakamabait at pinakamatulungin sa lahat, kumbaga, mababa ang kanilang luha at mababaw ang kanilang puso. Madali silang naaawa sa mga labis na nangangailangan, kaya hindi nila napipigil ang kanilang damdamin na tumulong kung saan minsan ay halos kapos na kapos na sila, pero naitutulong pa nila ang mga bagay na para na lamang sana sa kanilang pangangailangan.
Kaya kung bait at buti ng kalooban ang hanap mo sa isang nilalang, hindi ka nagkakamali kung ang isang Tupa o Kambing ang iyong lalapitan.
Dahil sa kabaitan nilang taglay, ang kadalasang nagiging problema ay biktima sila ng mga taong mapagsamantala. Kaya kung hindi mag-iingat, malamang na ma-racket o madaya ng malaking halaga ang isang Kambing, na kadalasan ay ‘yun naman ang nangyayari sa kanila.
Para maiwasang mangyari sa kanila ang mga bagay na ito, dapat iisipin at pipiliin muna nila ang mga taong kanilang tutulungan, lalo sa aspetong pinansiyal kung saan, marami sa kanila ay mauutangan, pero hindi na sila mababayaran at kapag siningil nila ang mga kaibigan na may pagkakautang, sila pa ang lalabas na masama.
Samantala, dahil sa pagiging mabait, maawain at matulungin ng isang Kambing o Tupa, bihira sa kanila ang yumayaman at nagkakamal ng maraming-maraming pera dahil imbes na makaipon ng malaking halaga, ang naipon nilang salapi ay agad nilang naipamimigay o naitutulong sa kanilang mga kamag-anak o kakilala.
Kaya naman upang magtagumpay at habambuhay na lumigaya, dapat ding maisip ng Tupa o Kambing na hindi masamang maging praktikal, mag-ipon ng materyal na bagay at mag-impok ng kayamanan, higit lalo kung iisipin nilang ang mga salapi at kayamanang ito ay gagamitin naman sa future na pangangailangan. Halimbawa, kung may biglaang magkasakit sa pamilya, may magagamit silang panggastos para sa pagpapa-ospital.
Ang kadalasan tuloy na nangyayari sa isang Kambing sa panahong siya naman ang nangangailangan, lumalabas na siya ay nagiging kaawa-awa, dahil ang mga tao na dating tinulungan niya nang maluwag sa kanyang puso ay magdadamot at hindi mahihiraman ng anumang halaga ng pera.
Kaya hindi mararanasan ang senaryong ito, na para siyang kaawa-aawa kapag siya na ang nangangailangan kung ngayon pa lang ay matututo na siyang mag-ipon, magpundar at magsinop ng kabuhayan para sa kanyang sariling future, gayundin ang kanyang mga mahal sa buhay.
Itutuloy
Comentarios