ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 10, 2022
Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Tupa o Sheep, na tinatawag ding Kambing o Goat.
Kung ikaw ay isinilang noong 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003 at 2015, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Kambing o Tupa.
Dahil sa taglay na kabaitan, ang Tupa o Kambing ay sadyang madamdamin, tahimik at madaling masaktan. Kapag hindi natutong magmatapang at hindi niya sinanay ang pagiging malakas, marami sanang magagandang kapalaran ang ibibigay ng langit para sa Tupa, ngunit dahil puno ng takot at alinlangan ang kanyang sarili, ito ay masasayang lamang.
Bukod sa mahina ang loob, madalas mag-alinlangan at magduda sa sarili niyang kakayahan ang Tupa, ang mga tagumpay na sanang proyekto at binabalak niya ay nabibigo at napupurnada pa sa kawalan.
Kaya sinasabing ang the best na magagawa ng Tupa upang patuloy na umunlad at maging maligaya ang kanyang karanasan ay i-develop ang kanyang tapang at tatag ng loob. Sa ganyang paraan, ang magandang kapalaran ay tuluy-tuloy at tiyak na papabor sa kanya sa lahat ng sitwasyon at pangyayari sa kanyang karanasan.
Dagdag pa rito, sa kabila ng nasabing mga kahinaan ng Tupa, ang higit na maganda sa kanya dahil likas na mabait at mahina, palagi siyang pinagpapala ng langit. Kumbaga, sa ayaw at sa gusto niya, pinagkakalooban siya ng hindi inaasahang magagandang kapalaran, na nagiging dahilan upang umunlad ang kanyang kabuhayan. Gayundin, yumayaman at lumiligaya siya nang hindi tinangka, sa halip, parang “magic” itong ibinigay sa kanya ng langit at ginamit ang mga taong nakapaligid sa kanya. Kaya sasabihin ng iba, “Ang gara at napakasuwerte naman ang kapalaran ng taong ‘yan” – pero ang katotohanan, ang magagandang kapalarang nabanggit ay regalo sa kanya ng langit dahil sa taglay niyang kabaitan at magiging may mabuting puso at malinis na kalooban.
At dahil sa magagandang kapalarang ito na ipinagkakaloob sa Tupa, kahit hindi siya magtrabaho nang mabigat, binibigyan sila ng mga biyaya ng langit at kadalasan, may mga sitwasyon na ang bunga ng pinagpaguran ng iba ay ipagkakaloob sa Tupa.
Samantala, ang isa pang problema ng Tupa, matapos umunlad at magkamal ng mga kayamanan at ari-arian, may tendency na ipamigay niya rin ito nang walang habas, kumbaga, bigay lang nang bigay. Dahil dito, madalas matagpuan ang buhay ng Tupa sa kalagayan na “bulagsak” o nagsasayang ng mga biyaya at magagandang kapalarang ipinagkakaloob sa kanya.
Ngunit ang hindi alam ng nakararami, habang ipinamamahagi niya ang mga ari-arian, ang kanyang kabuhayan o anumang mayroon siya, parang talbos ng kamote, habang tinatalbusan ay lalo namang lumalago, dumarami at nananariwa ang kanyang kabuhayan, kaya lalo siyang pinagpapala at yumayaman.
Itutuloy
Comments