ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 16, 2023
Sa pagkakataong ito, tatalakayin natin ang mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Rabbit.
Ang Tandang o Rooster ay silang mga isinilang noong taong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017, at 2029.
Ang Year of the Rooster o Tandang ay pinaghaharian ng impluwensya ng planetang Mercury sa Western Astrology at siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Virgo.
Sinasabing ayaw na ayaw ng mga Tandang ang hindi organisado at may magulong buhay, kaya pinipilit nilang maging maayos ang lahat.
Bukod sa pagiging maayos at organisado, gustung-gusto rin ng mga Tandang na nakaplano ang lahat ng bagay at matapos planuhin, sinisikap niya talaga na masunod kung anuman ang nakapalano sa kanyang mga pangunahing gawain at ambisyon sa buhay.
Kapag wala sa plano, wala siyang balak gawin o tapusin ito dahil para sa Tandang, ang buhay ay isang napakalaking plano. Dahil sa ugaling ito ng Tandang, maraming magaganda at masasayang oportunidad ang nakakalagpas sa kanyang buhay dahil para sa kanya, hindi puwedeng gawin, aturgahin o sunggaban agad ang mga bagay na hindi nakapalano.
Gayundin, ang Tandang ay galit sa surpresa dahil para sa kanya, walang surpresa sa buhay na ito dahil ang lahat ay pinagpaplanuhan bago mangyari o matupad.
Dagdag pa rito, inaakala rin ng Tandang na siya ay napakahusay sa pamamahala at kung siya lang ang masusunod, nais niyang sumunod sa kanya ang lahat ng kanyang nasasakupan nang pikit-mata. Para sa kanya, batid niyang huhusay at bubuti ang buhay o pangyayari sa sandaling siya ang nasunod at namahala.
Namamahala man o hindi, sa halip ay nanonood at tumitingin-tingin lang, madaling nakakapansin ang Tandang ng mga simpleng pagkakamali at kapangitan o kakulangan.
Sa sandaling napansin niya ito, tiyak na ito ay sasabihin at ipagkakalat niya agad dahil naniniwala siya na bawal ang magkamali, pangit, mahina, at ang lahat ay dapat perpektong nasa ayos at magandang-maganda.
Dahil sa pagiging sobrang kritiko at pintasero, kadalasan ay hindi niya namamalayan na naaasar at nilalayuan na siya ng kanyang mga kaibigan dahil animo’y napakagaling ng Tandang na ito, kahit sa totoo lang ay hindi naman.
‘Yun kasi ang nararamdaman ng Tandang —siya ay akala mong napakatalino at napakagaling.
Kaso lamang, sa tuwing ipapakita o ipadadama niya ang pagiging matalino at magaling, hindi sinasadyang pinapalutang niya ang pagkakamali at kapangitan ng mga taong nakapaligid sa kanya, kung saan halos sukdulan at lantaran na niyang pinipintasan ang mga maling ginagawa ng kanyang mga kasama.
Itutuloy
댓글