top of page
Search
BULGAR

Isinilang sa Year of the Rat, yayaman nang bongga

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Marso 27, 2024



Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Rat o Daga. 


Ang Rat o Daga ay silang mga isinilang noong 1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008, 2020, at 2032.


Ang isa pang magandang balita para sa mga Daga, sinasabing sa 12 animals na pinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, ang Daga ang isa sa pinakamayaman.


May ugali kasi ang Daga na kung minsan ay nagiging kuripot at matipid, kaya naman lalo tuloy dumarami ang kanyang savings habang ‘yung iba namang mga Daga ay may pagkawaldasera, pero ang nakakapagtaka rito ay patuloy pa rin silang yumayaman.


Nangyaring ganu’n, dahil tulad ng nasabi na, ang mga Daga ay likas talagang suwerte.


Hindi lamang sa pagnenegosyo kundi likas din silang suwerte sa aspetong pangmateryal na bagay. Kaya bihirang-bihira ka makakakita ng isang Daga na mahirap at kung sakaling makakita ka ng isang Daga na mahirap lang, ang karanasan niyang ito ay panandalian lang, dahil walang duda, darating ang panahon na siya rin ay uunlad na talaga namang nakatakda sa kanyang kapalaran.


Dagdag dito, kapag ang Daga ay may maunlad at maalwan na pamumuhay, lalo niyang naa-appreciate ang value o halaga ng salapi, kaya naman lalo siyang nagpapakayaman.

Ginagawa niya ang magpayaman nang husto, dahil batid niyang ang katumbas ng “pera” ay ang “security at peace of mind” lalo na kung pag-uusapan ang future.


Ang nakakatuwa pa sa isang Daga, sinasabing kapag nararamdaman ng Daga na siya ay sumosobra na sa yaman, hindi pa rin siya nagiging gahaman. ‘Yung iba kasing napakayaman, lalong nagiging sakim at gahaman sa pera, pero hindi ganu’n ang Daga. Sa halip, nagagawa pa niyang mamigay, lalo na sa mga taong alam niyang may malalim na pangangailangan.


Kaya naman ang isang Daga kapag yumayaman, tulad ng nasabi na, nagagawa niyang balatuhan ang mga taong malalapit sa kanya, lalo na ang kanyang mga kamag-anak, kapitbahay at matalik na kaibigan. Dahil sa pag-uugali ng Daga na mapagbigay at matulungin, patuloy siyang pinagpapala ng langit, kaya naman lalo tuloy siyang yumayaman.


At dahil sa likas ngang suwerte, bukod sa yumayaman, madalas ding matagpuan ang isang Daga na bukod sa yumaman ay naabot din niya ang lahat ng kanyang mga ambisyon at mga pangarap, lalo na sa career at propesyon.


Talagang ganu’n at walang tayong magagawa, ipinanganak kasi ang isang Daga, hindi para mabigo o malungkot sa buhay, dahil bago pa siya iniluwal sa daigdig, kakambal na niya ang suwerte at magandang kapalaran. Hindi lamang sa salapi kundi sa halos lahat ng aspeto ng kanyang buhay.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.



Itutuloy….


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page