top of page
Search
BULGAR

Isinilang sa Year Of The Rabbit, mahaba ang buhay

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 25, 2022



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong 2022.


Kung ikaw ay isinilang noong 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999 at 2011, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rabbit.


Sinasabing kung pahabaan ang buhay ang labanan, isa ang Kuneho sa 12 animal signs na may pinakamahabang buhay. Dahil bukod sa pinahahalagahan nila ang pagmamahal sa kalikasan, higit din nilang pinahahalagahan ang preserbasyon ng kanilang sarili, hindi lamang ng kalikasan kundi ng sarili nilang buhay.


Kaya naman ang mga Kuneho, bukod sa mahaba ang buhay ay nagkakaroon din sila ng komportable at masayang karanasan, lalo na sa kanilang pagtanda.


Gayundin, kung ang Kuneho lamang ang masusunod at tatanungin, mas nanaisin at pipiliin nila ang komportableng buhay kaysa sa mga kumplikado at maraming pakikipagsapalaran na karanasan. Dahil likas na umiiwas sa mga panganib, tulad ng nasabi na, humahaba at nagiging kalmante at maligaya ang buhay ng Kuneho.


Ito rin ang dahilan kaya likas sa pagkatao ng Kuneho ang pagiging tahimik, walang kibo, palaging kampante at pa-easy-easy lang, na tila walang gaanong mabigat na problemang iniinda o dinadamdam.


At dahil mas pinipili ng Kuneho ang tahimik at kalmanteng pamumuhay, napagkakamalan silang sobrang mapagmahal sa pribadong buhay, takot sa lipunan at hindi masyadong nakikihalubilo sa kanyang mga kasamahan at kapitbahay. Kumbaga, kung hindi mo tatanungin ang tahimik na Kuneho, malamang mapapanisan siya ng laway at hindi talaga magsasalita sa maghapon kayong magkasama.


Bagama’t likas na tahimik at mapag-isa, maaaninag mo naman sa kanilang pagkatao ang kabutihan ng kanilang puso at tunay na mas nagiging maligaya sila kapag nakakatulong sa mga kapus-palad o mga nangangailangan, lalo na sa kanilang inaaruga at minamahal na pamilya.


Sa panahon naman ng may mabigat na problema, palagi pa ring napapanatili ng Kuneho ang kanyang pagiging kalmante, kung saan siya ay palaging relaks at hindi nai-stress. Kaya naman mababakas sa kanya ang malalim na espirituwalidad, sakdal, de-kalidad at dalisay na pagkatao.


Bukod sa likas na matulungin, mabait at tahimik, mahusay din ang Kuneho na mag-ayos ng gulo, kung saan nagagawa niyang pagkasunduin ang dalawang panig na hindi magkaunawaan. Ngunit ang kakaiba sa kanya kapag nag-aayos ng gulo o anumang gusot, sinisigurado niyang ang mga inaapi at less fortunate ang higit na makikinabang.


Dahil likas na mapanuri sa mga likhang sining at may mataas na pagkilatis sa kultura at sinaunang sibilisasyon, bagay na bagay sa Kuneho ang negosyo o career na nangongolekta ng mga antique na gamit at sinaunang panahon na kasangkapan, ganundin ang gawaing may kaugnayan sa arts collector at dealer. Sa gawaing ito, siya ay magtatagumpay, magiging maligaya at yayaman.


Dagdag pa rito, dahil ayaw ng Kuneho ng magulong buhay, maraming stress at iniisip, may mga panahong nalilibang siya sa kanyang maluluhong pangarap at plano, kung saan kahit hindi niya ito isagawa o ikilos, tila kuntento na ang isang Kuneho na nakaupo sa ilalim ng malabay na punong-kahoy na nangangarap at nagpapantasya na tila walang pakialam sa mundo.


Samantala, kung maisasagawa ng Kuneho ang lahat ng kanyang iniisip, pinapangarap, inaambisyon at pinapantasya, mabubuo ang napakatagumpay, napakadakila at napakaligayang Kuneho.


Itutuloy


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page