ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 22, 2022
Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong taon.
Kung ikaw ay isinilang noong 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999 at 2011, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rabbit.
Ang animal sign na Rabbit o Kuneho ay Pisces sa Western Astrology, na may ruling planet na Neptune. Higit na mapalad at aktibo ang Kuneho na isinilang sa tag-araw kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa tag-ulan.
Likas na mapalad ang mga Kuneho tuwing sasapit ang alas-5:00 ng madaling-araw hanggang alas-7:00 ng umaga, higit lalo sa direksiyong east o silangan.
Sa 12 animal signs, Kuneho ang isa sa mga tunay na nagmamahal sa tahimik na buhay, buhay pamilya at buhay na malapit sa nature o kalikasan. Madalas ding pribado ang kanilang buhay at hindi gaanong mahilig makihalubilo sa lipunan, kung saan karamihan sa mga oras nila ay iginugugol sa kalikasan, ganundin sa mga artistic na bagay o gawain.
Kadasalan, ang mga Kuneho ay nagiging sikat na artista, mananayaw, mang-aawit at entertainer kung saan sa pagpe-perform, nakikita ang kanilang galing at likas na talento at doon sila nagiging maligaya.
Dagdag pa rito, pinaniniwalaan na kung ang Dragon ay isa sa mapalad na animal sign sa Chinese Astrology, ang Kuneho ay pangalawa sa mga masuwerteng animal sign sa lahat ng aspeto ng buhay. Kaya naman sila ay tunay na lapitin ng suwerte at magagandang kapalaran kahit may mga pagkakataong tinatanggihan o inaayawan nila ito.
Bukod sa likas na mabait, kilala rin ang Kuneho bilang magaling na negotiator at diplomatic, kung saan sa pakikipagnegosasyon, madali nilang napapasang-ayon ang kanilang kausap.
Gayunman, dahil mabait at iniiwasan ang pressure at stress sa pakikipagnegosasyon at sa lahat ng bahagi ng buhay, minsan ay napagbibintangan siya na mahina ang loob at tamad. Bagama’t hindi palaging ganu’n, natural lamang sa Kuneho ang palaging umiiwas at ayaw ma-involve sa kahit ano’ng isyu o kaguluhan dahil gusto nila ng tahimik na buhay. Kaya sadyang iniiwasan nila ang gulo, pakikipagdebate o pagtatalo na wala namang katuturan.
Samantala, ang isa sa pinakamagandang katangian ng Kuneho ay kapag binigyan mo siya ng gawain na dapat tapusin sa takdang araw o oras, siya ay sobrang dedikado at masunurin sa gawaing ibinibigay sa kanya ng mga nakatataas. Kaya naman ang Kuneho ay maituturing na isa sa pinakamagaling na empleyado, sundalo o subordinate.
Ngunit saan ba nanggagaling ang pinakamagaling na leader at manager? Siyempre, sa mga tauhan na natutong sumunod at nagsimula sa mabababang ranggo. Ganundin ang kadalasang nagiging buhay at kapalaran ng Kuneho. Magsisimula siya sa rank-and-file na posisyon at magtitiis, ngunit matapos ang ilang taon, mabilis siyang aasenso, magiging supervisor at manager at sa bandang huli, dahil likas na suwerte, yumayaman at nagiging may-ari ng napakalaking kumpanya nang hindi naman nila sinasadya.
Samantala, dahil sa pagiging likas na malalim, minsan ay napakahirap arukin at unawain ng ugali ng Kuneho, maaaring dahil ito sa impluwensiya ng magarang planetang Neptune na palaging kumukubabaw sa kanilang buhay. Kung saan minsan, kahit ang sarili nila ay hindi rin maunawaan ang tunay na udyok, motibasyon at gusto sa buhay.
Sinasabing kapag ang Kuneho ay natutong mag-concentrate sa iisang larangan o bagay, mas madali siyang magtatagumpay at magiging maligaya.
Kadalasan kasi, ang Kuneho ay hindi alam kung ano ang gusto at kahit kaharap na niya ang gusto niyang bagay o gawain, nagiging malikot at magulo pa rin ang kanyang isip, kaya hindi siya mapakali o napipirmi sa iisang gawain.
Ngunit kung alam ng Kuneho na sa gawaing paglalakbay, malapit sa nature, may kaugnayan sa malalim na appreciation ng arts o sining siya napadpad, dapat alam niya na sa mga gawaing ‘yun siya sobrang magtatagumpay at magiging maligaya, kaya hindi na siya dapat umalis sa nasabing mga larangan.
Itutuloy
Komentar