ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | February 2, 2021
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa pangunahing katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Ox o silang mga isinilang noong 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009 at 2021 ngayong Year of the Metal Ox.
Bukod sa pagiging materyalismo at praktikal, ang Ox o Baka ay nakagagawa ng legacy. Kung ang ibang tao ay itinatayo ang kanilang mga pangarap sa buhangin tulad ng animal sign na Rabbit o Kuneho, ang Ox ay nakapagtatayo ng kanilang mga pangarap at ambisyon sa buhay sa totoong mga gusali sa matibay na moog, kaya naman ito ay nananatili habambuhay. Karaniwang kanilang emperyo ng kayamanan na naipundar ay namamana pa ng kanilang mga mahal sa buhay at naililipat naman ito sa susunod pang henerasyon ng kanilang saling lahi.
Ganu’n kagaling ang mga Ox kapag ang pinag-uusapan ay mga tangible things o nahahawakan ng mga kamay. Kaya kung ikaw ay isang Ox, ngayong 2021, habang umaangat ulit ang graph ng ekonomiya, samantalahin mo ito at buksan ang mga dati mong negosyo at maaari ka pang magdagdag upang tuluy-tuloy na umunlad at lalo pang lumago ang inyong kabuhayan.
Samantala, dagdag pa rito, sinasabi ring ang Baka ay tunay namang magtatagumpay sa mga gawain at propesyong ganito: Sa military dahil sa taglay niyang katatagan at tapang sa kabila ng mga kritikal at nakapanindig-balahibong pakikipagsapalaran na madali naman nilang nalulusutan at naliligtasan. Sa pagbabangko, pagkomersiyo, insurance at ganundin sa pagpapautang at kalakalan, dahil ang mga Ox ay mapagkakatiwalaan pagdating sa paghawak at papapaikot ng puhunan.
Uunlad at magtatagumpay din ang Baka sa propesyong may kaugnayan sa batas at pagpapairal ng katarungan sa mahihirap at inaapi tulad ng judge, jury at iba pang propesyon o katungkulan na ang nature ay humahatol dahil sa taglay na talas ng kanilang isipan upang makaisip ng mahirap na solusyon at humatol nang pantay at nararapat sa magkabilang panig.
Walang iniwan sa kuwento na matatagpuan sa Bible, sa 1 Hari, 3:16-18, kung saan ipinamalas ni Haring Solomon ang napakatalinong desisyon at paghatol. Ganito ang istorya: May dalawang babae na magkasama sa iisang bahay ang nagsadya sa harap ni Haring Solomon dahil kapwa sila nanganak ng halos magkasabay na parehong lalaking sanggol.
“Namatay ang anak ng ikalawang babae dahil nadaganan niya ito habang siya ay natutulog,” ang paratang ng unang babae. Idinagdag pa niya, “Habang ako po ay natutulog, kinuha niya ang anak ko at dinala sa kanyang higaan at ‘yung patay niyang anak ang itinabi sa akin. Kinaumagahan, nagising ako upang padedehin ang aking anak at natagpuan ko na lang itong patay. Ngunit nang pinagmasdan kong mabuti, nakilala ko na hindi ‘yun ang tunay kong anak.”
Tumutol naman ang ikalawang babae at ang sabi, “Hindi po totoo ‘yan! Anak ko ang buhay at kanya ang patay!” At lalo namang iginiit ng unang babae na, “Mahal na hari, ang anak niya po ang patay at sa akin ang buhay!”
Kaya sinabi ni Solomon sa isa, “Sinasabi mong iyo ang buhay na bata at kanya ang patay,” at sa ikalawa, “Ang sabi mo nama’y iyo ang buhay at kanya ang patay.” Kaya nagpakuha ang hari ng isang tabak at dinala sa kanya ang isang matalas na tabak. Sinabi ng hari, “Hatiin ang batang buhay at ibigay ang kalahati sa bawat isa.”
Nabagbag ang puso ng tunay na ina ng batang buhay at napasigaw, “Huwag po, Kamahalan! Ibigay n’yo na po sa kanya ang bata, huwag lamang n’yong patayin.”
Sabi naman nu’ng isa, “Sige, hatiin n’yo ang bata upang walang makinabang kahit sino sa amin!”
Kaya sinabi ni Solomon, “Huwag n’yong patayin ang bata. Ibigay n’yo sa una dahil siya ang tunay na ina.”
Ganu’n kagaling humatol ang mga taong isinilang sa animal sign na Ox, kaya naman dahil sa taglay nilang mala-Haring Solomon na judgment, sa larangan ng pagpapatupad ng batas at makatarungang pagpapasya sa kanilang nasasakupan, ang Baka ay tiyak na kikilalanin, magtatagumpay at labis na mamahalin ng mga taong kanyang pinamamahalaan.
Itutuloy
תגובות