ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 26, 2022
Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Tiger.
Kung ikaw ay isinilang noong 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002 at 2014, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Horse o Kabayo.
Ang Horse ay siya ring Gemini sa Western Astrology at nagtataglay ng ruling planet na Mercury, kaya naman kilalang-kilala siya sa pagiging listo at mabilis sa lahat ng bagay.
Likas naman na mapalad ang Kabayo o Horse tuwing sasapit ang alas-11:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng tanghali.
Sinasabing higit na kalmante, maunlad at matagumpay ang mga Kabayo na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-lamig, na hindi nakakalmante sa buhay. Bagkus, nagtatagumpay at maligaya lamang sila pagdating ng middle age.
Sa kabilang banda, ang Horse o Kabayo ay kilala sa pagiging masayahin, mapagmahal, mahilig maglakwatsa, kung saan hindi mapapantayan ang kanyang enerhiya sa paggala at pamamasyal.
Dahil gusto ng Kabayo na walang pumipigil sa kanya, ang kaligayahan niya ay ang maging malaya, hindi lamang sa pisikal na katawan kundi maging sa mentalidad at isipan. Dahil masigla at malawak ang kanyang mga imahinasyon, maililipat lamang niya sa reyalidad o katotohanan ang magagandang ideyang ito, lalo na sa pagkakaperahan, siya ay napakaunlad at mayamang-mayaman na.
Bukod sa pagiging malaya sa pagtatrabaho o anumang gawain, Kabayo ang isa sa mga masisipag na animal signs, kung saan kadalasan ay pilit niyang tinatapos ang anumang proyekto na kanyang nasimulan kahit pa abutin siya ng magdamag at madaling-araw. Kaya naman karamihan sa mga Kabayo ay matatagpuang matagumpay, hindi lamang sa career kundi maging sa negosyo at materyal na bagay.
Bukod sa kasipagang aktuwal na nakikita sa personalidad ng Kabayo, kapansin-pansin din ang pagiging aktibo ng kanilang isipan at taglay na galing sa mabilisang pag-iisip at pagdedesisyon.
Kaya naman kapag ang Kabayo ay nahaharap sa mabibigat na suliranin at pagsubok ng buhay, madali niya itong nakakaya at nasosolusyunan sa pamamagitan ng mabilisang pag-iisip at pagpapatupad ng kanilang naisip na solusyon sa kahit ano’ng mabibigat na problema.
Gayunman, sinasabing kapag ang isang Kabayo ay napakabagal magpasya sa anumang kanyang ginagawa, tiyak na siya ang magiging pinakamalungkot at bigo na nilalang. Dahil tulad ng naipaliwanag na, ang Kabayo ay isinilang upang magdesisyon nang mabilis at walang pagdadalawang-isip, kung saan kapag ganito siya– palaging mabilis sa pagpapasya at pagkilos, mabubuo ang napakaunlad, napakatagumpay at napakaligayang Kabayo habambuhay.
Itutuloy
Comments