top of page
Search
BULGAR

Isinilang sa Year of the Dog, dapat maging showy para sumaya ang love life

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 23, 2022


Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin natin ang pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong Year of the Water Tiger.


Kung ikaw ay isinilang noong 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006 at 2018, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Dog o Aso.


Sa career at hanapbuhay, bagay sa Aso ang propesyong may kaugnayan sa lawyer, labor leader, union organizers, social worker at iba pang mga gawaing may kaugnayan sa lipunan. Dahil ang mga ito ay ikatatagumpay at ikaliligaya ng Aso ‘pag ang mga ito ay kanyang inaaturga. At dahil sa taglay na pagiging mabuti at palaging inuuna ang moralidad, ang mga Aso ay sinasabi ring pangunahing kandidato sa pagiging bayani, martir at santo o santa.


Sa pakikipagrelasyon at pakikisalamuha sa pamilya, gustong-gusto ng Aso ang pagiging independent o malaya, kaya kadalasan ay hindi mo siya matatagpuang nasa bahay lamang, sa halip, ang nais niya ay maglakbay nang maglakbay at mamasyal sa magaganda at kaakit-akit na lugar, lalo na ang mga lugar na malapit sa kalikasan.

Samantala, kapag umiibig ang Aso, siya ay sobrang magmahal na minsan ay nagiging dahilan upang siya ay mabulag sa pag-ibig, magpakamartir o magpakabayani, alang-alang sa kanyang mga minamahal. Kumbaga, pagdating sa pag-ibig, ang Aso ay madalas maloko sa kanyang object of desire.


Dagdag pa rito, bagama’t sobra kung magmahal, hindi naman siya masyadong demonstrative, kumbaga, hindi siya showy, kaya minsan, ang pag-ibig niya ay hindi gaanong pinahahalagahan ng taong kanyang minamahal. Ngunit kung magiging showy o “demonstrative” siya sa larangan ng pag-ibig, sex at ugnayan, walang pagdududa na sa pakikipagrelasyon, mas madali niyang makakamit ang panghabambuhay na sarap at ligaya.


Sa pag-ibig, hindi siya mandaraya. Kung gaano nagiging tapat at totoo ang kanyang karelasyon, higit pa ru’n ang igaganti niyang pagmamahal sa kanyang kasuyo.

Bagay na bagay naman sa Aso ang Tigre at Kabayo dahil ang ganitong relasyon ay tiyak na magiging maligaya at panghabambuhay dahil pare-pareho silang tapat at masarap magmahal.


Bukod sa Tigre at Kabayo, tugma rin sa Aso ang mabait na Daga, ang matalinong Ahas, at ang tusong Unggoy, ang mahilig na Baboy at ang kapwa niya malihim na Aso, kung saan ang ganitong relasyon ay babalutin naman ng walang kahulilip na lambingan at sila rin ay itatala bilang masaya at okey na magkakasama.


Habang ang madalas namang matagpuang habambuhay na nagmamahalan at itinatala ang relasyon na walang iwanan ay ang Aso at Kuneho, kung saan lihim at matagal na palang hinahangaan ng Kuneho ang Aso na noon niya pa pangarap makasama. Habang ang Aso naman ay hangang-hanga rin sa pagiging tahimik, mapagpakumbaba at kapareho niyang matalino at palaging nangangarap na Kuneho.


Itutuloy


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page