ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Marso 27, 2024
Ngayong Semana Santa, alalahanin natin ang sakripisyo ng ating Diyos sa pamamagitan ng kanyang anak na si Hesu-Kristo na inialay ang kanyang buhay para sa sangkatauhan.
Maging oportunidad sana ito na magdasal, bigyan ng oras ang pamilya, at higit sa lahat ay pahalagahan ang buhay na ibinigay sa atin ng Panginoon.
Nakakalungkot na sa panahon ding ito ay nababalitaang tumataas ang bilang ng kaso ng pertussis o ang tinatawag na whooping cough. Bilang pagmamalasakit sa kapwa, nananawagan tayo sa lahat na maging maingat. Umapela rin tayo sa pamahalaan na maglatag ng mga interventions, at sa kooperasyon ng mga komunidad ay mabawasan ang paglaganap ng naturang sakit at maiwasan na may masawi sa ating mga kababayan.
Kaya naman, bilang tayo ang chair ng Senate Committee on Health, umaapela tayo sa ating mga kababayan na boluntaryong magsuot ng mask lalo na kung nasa pampublikong lugar. Tulad ng lagi kong payo, kung hindi naman sagabal sa inyo, ugaliing magsuot na ng mask sa mga matataong lugar upang proteksyunan ang sarili at ang ating pamilya.
Kahit mababa na ang kaso ng COVID-19, nandidiyan pa rin ang banta ng mga sakit na maaaring makahawa lalo na sa mga matatanda at bata. Hindi natin alam kung anong sakit ang maaari nating maiuwi sa bahay. Mabuti nang mag-ingat. Nagawa nating magsuot ng mask nang higit dalawang taon noong pandemya. Konting tiis lang ito upang makasalba ng buhay ng ating kapwa, kung hindi man buhay natin mismo.
Pakiusap ko naman sa ating gobyerno, mahalaga na paigtingin natin ang ating drive sa pagbabakuna, lalo na sa pagtugon sa pertussis. Kasama ito sa ating mandatory vaccination program, at kailangan nating siguruhin na ang bawat isa, lalo na ang mga bata, ay protektado laban sa sakit na ito.
Samantala, tuloy pa rin tayo sa ating paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Habang papalapit ang Semana Santa, nasa Negros Occidental tayo noong March 23 at pinangunahan ang pamamahagi ng aking tulong sa 500 na nawalan ng hanapbuhay sa bayan ng Ilog. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong pangkabuhayan sa pamamagitan ng pansamantalang trabaho mula sa Department of Labor and Employment. Nakiisa tayo sa ginanap na Kisi-Kisi Festival kung saan pinangunahan natin ang pagsisimula ng Talaba Festival sa paanyaya ni Congresswoman Mercedes “Cheding” Alvarez, Mayor Mayor John Paul Alvarez at mga lokal na opisyal.
Nag-inspeksyon din tayo sa itinatayong Super Health Center sa Himamaylan City na malapit nang matapos upang ilapit ang pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad. Binisita natin ang itinayong Himamaylan Bridge na napondohan sa ating kapasidad bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance. Personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng aking tulong sa 500 nawalan ng hanapbuhay sa Himamaylan City, na nakatanggap din ng pansamantalang trabaho mula sa DOLE kaakibat si Mayor Raymond Tongson.
Bumisita naman tayo sa Bacolod City kasama si Mayor Albee Benitez noong March 24 at personal na pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 500 na nawalan ng hanapbuhay. May hiwalay ding tulong mula sa DOLE sa pamamagitan ng pansamantalang trabaho para sa kanila. Nagbigay naman ako ng dagdag na tulong sa 45 na biktima ng sunog bukod sa ibinigay na ayuda ng NHA mula sa programang isinulong natin noon para may pambili sila ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagtatayong muli ng kanilang nasirang tahanan. Nag-inspeksyon din tayo sa itinatayong Super Health Center sa lungsod na ating isinulong kasama ang DOH at mga kapwa mambabatas.
Dumiretso tayo sa Victorias City at nag-inspeksyon sa itinatayong Super Health Center kasama si Mayor Javi Benitez, Councilor Derek Palanca at iba pang lokal na opisyal. Personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 500 nawalan ng hanapbuhay na binigyan din ng pansamantalang trabaho ng DOLE. Dagdag dito, tinulungan natin ang 18 na biktima ng insidente ng sunog doon.
Pagkatapos nito ay nakilahok tayo sa PBA All-Star Weekend Festivities sa Bacolod City rin. Bilang Chair ng Senate Sports Committee, suportado ko ang mga inisyatiba upang ilapit ang sports sa mga komunidad dahil malaking bahagi ito ng paghubog sa ating mga kabataan. Get into sports, stay away from illegal drugs to keep healthy and fit!
Sa nakaraang mga araw, bumisita rin ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang parte ng ating bansa para matulungan ang mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Naayudahan natin ang mga naging biktima ng sunog kabilang ang walong pamilya sa Brgy. Cawag at isa pa sa Brgy. Del Monte, mga lugar sa Island Garden City of Samal; at 16 sa Brgy. Ibaba, Malabon City.
Natulungan din ang 139 nawalan ng hanapbuhay sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya katuwang si Congresswoman Luisa “Banti” Cuaresma. Sa ating pamamagitan, nagbigay rin ng pansamantalang trabaho ang DOLE sa mga kuwalipikadong benepisyaryo roon.
Mayroon tayong 16 na kababayan na nasira ang tahanan sa Lumban, Laguna na nakatanggap ng tulong mula sa ating opisina. Sa ating pamamagitan, nabigyan din sila ng ayuda mula sa NHA upang makabili ng materyales na pampaayos ng kanilang mga bahay.
Sumama rin kami kina Gov. Delta Pineda at Vice Gov. Nanay Pineda upang magbigay ng dagdag na suporta sa 4,000 mahihirap na estudyante ng City of San Fernando, Pampanga bukod pa sa tulong mula sa DOLE at ng lokal na pamahalaan. Dagdag pa r’yan, 333 mahihirap na estudyante sa Naga City ang ating sinuportahan at nabigyan ng tulong katuwang naman si Cong. Gabriel Bordado. Sinamahan din namin ang grupong
Bumbera ng Cainta Outreach Group para maghatid ng tulong sa mga estudyante sa Tanay, Rizal.
Nakilahok kami sa isang medical mission at Serbisyo Caravan sa Brgy. Sta. Cruz, Talikud Island, IGACOS kasama si Councilor Renz Lacorte at nagbigay ng hiwalay na tulong sa mga residente roon.
Lagi nating tandaan na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Tulad ng ating mga natutunan noong panahon ng pandemya, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman, pag-iingat, at pagtutulungan ng bawat isa. Habang tayo ay nagdarasal ngayong Semana Santa, palagi rin nating isapuso ang pagmamalasakit sa kapwa at isabuhay naman ang pakikipagbayanihan sa ating komunidad upang mapangalagaan ang buhay na ibinigay sa atin ng Panginoon.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments