ospital, dinanas ng 12-anyos na namatay sa Dengvaxia.
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 18, 2021
Ang kahulugan diumano ng pangalang Kelvin ay “friend of ships”. Marahil, inaasahan ng mga magulang na nagbigay ng pangalan na ito sa kanilang anak na malaya at matagumpay na makapaglalayag sa dagat ng buhay ang mahal nilang supling. Sa kasamaang-palad, si Kelvin Anten, anak nina G. Calvin at Gng. Maridith Anten ng Cavite City, ay hindi nagkaroon ng mapayapa at ligtas na paglalakbay.
Si Kelvin ay 12-anyos nang namatay noong Hulyo 12, 2018. Siya ang ika-68 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay nabakunahan sa isang Barangay health center sa Cavite City, kung saan siya dalawang beses nabakunahan ng Dengvaxia; una noong Abril 18, 2016 at huli noong Oktubre 21, 2016. Pagkaraan ng isang taon, nagsimulang magkaroon ng pagbabago sa katawan ni Kelvin. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye, simula Oktubre 2017 hanggang Enero 2018:
Oktubre 2017 - Nagsimula siyang ubuhin. Pinainom siya ng antibiotics galing sa kanilang barangay health center, ngunit pagkatapos ng tatlong linggo ay hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Pina-x-ray si Kelvin at may pneumonia diumano siya. Siya ay in-admit sa TB-DOTS at binigyan ng mga gamot kontra Tuberculosis — Rifampicin, Isoniazid at Pyrazinamide.
Oktubre 20, 2017 - Nagkaroon ng pabalik-balik na lagnat si Kelvin.
Oktubre 31, 2017 - Nag-umpisang lumaki ang kanyang tiyan, naninilaw ang kanyang mukha at mga mata. Nananakit din ang kanyang tiyan. Itinuloy pa rin niya ang pag-inom ng mga nasabing gamot, subalit hindi bumuti ang kanyang kalagayan.
Nobyembre 6, 2017 - Dinala si Kelvin sa isang ospital sa Manila. Pinatigil ng mga doktor ang pag-inom niya ng Rifampicin dahil sa paninilaw niya at maaaring kaugnay diumano ito sa paghina ng atay niya dulot ng nasabing gamot. Binigyan siya ng Lactulose upang idumi niya ang mga nainom na gamot.
Nobyembre 9, 2017 - Unti-unting nawala ang paninilaw ni Kelvin.
Nobyembre 2017 hanggang Enero 2018 - Naging pabalik-balik ang kanyang ubo at lagnat.
Simula Pebrero 2018 hanggang Hulyo 2018, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Kelvin, lumubha ang kanyang kalagayan na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga nangyari noon kay Kelvin:
Unang linggo ng Pebrero 2018 - Nagkaroon siya ng kulani sa leeg.
Ikatlong linggo ng Pebrero 2018 - Naging dalawa ang kanyang kulani. Sinabayan din ito ng lagnat at ubo. Hindi na siya makakain nang maayos at nag-umpisang mangayayat.
Unang linggo ng Mayo 2018 - Nag-umpisang dumami ang kulani niya sa leeg at baba. Hindi na gumagaling noon ang mga kulani niya.
Hunyo 15, 2018 - Sinuri ng isang pediatrician si Kelvin at sinabing siya ay may tuberculosis. Pinayuhan niya si Aling Maridith na dalhin si Kelvin sa sinabi nitong ospital sa Manila.
Hunyo 25, 2018 - Dinala sa naturang ospital sa Manila si Kelvin. May isinagawang laboratory tests sa kanya.
Hulyo 4, 2018 - Niresetahan siya ulit ng Rifampicin pero hindi bumuti ang kanyang kalagayan.
Hulyo 5, 2018 - Alas-5:00 ng madaling-araw, nagtae ng dugo si Kelvin. Ilang sandali lamang ay nagsuka siya ng dugo nang anim na beses at nanghihina na rin siya. Alas-9:00 ng umaga, isinugod siya ng kanyang mga magulang sa ospital sa Manila na dati nang pinagdalhan sa kanya. Sa mga sumunod na araw, hindi na siya tumigil sa pagsusuka at pagtatae ng dugo. Mula Hulyo 5, 2018 ay araw-araw na siyang sinasalinan ng dugo. Hindi bumuti ang kanyang kalagayan.
Hulyo 10, 2018 - Tatlong beses siyang nagtae ng dugo at nagsusuka pa rin ng dugo.
Hulyo 11, 2018 - Dalawang beses siyang nagtae ng dugo.
Hulyo 12, 2018 - Alas-8:00 ng umaga, dumaing ng pananakit ng tiyan at dibdib si Kelvin. Nagtatae pa rin siya ng dugo at nahihirapang huminga. Hindi na rin siya makausap ng mga doktor at parang na-stroke na siya. Alas-8:30 ng umaga, na-comatose na siya. Sa mga sumunod na sandali ay nag-agaw buhay na si Kelvin. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, subalit pagsapit ng alas-10:48 ng umaga, tuluyan nang pumanaw si Kelvin. Ani Mang Calvin at Aling Maridith sa pagkamatay ng kanilang anak,
“Napakasakit para sa amin ang biglang pagpanaw ni Kelvin. Gaya ng nasabi namin, isang masigla at malusog na bata ang aming anak. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang bakunang itinurok sa aming anak ay makapagbibigay-proteksiyon sa kanya.”
Base na rin sa pagkakalarawan sa sinapit ni Kelvin bago siya namatay, masasabing literal na “madugo” ang pinadaanan niyang laban. Ngayon, sa matalinghagang pananalita, ang kanya namang pamilya, lalo na ang mga magulang ay dumaraan din sa madugong labanan sa hukuman upang mabigyan ng katarungan ang sinapit niyang kamatayan. Ang Public Attorney’s Office, ang inyong lingkod, ang mga katuwang kong public attorneys, mga doktor at kawani ng PAO Forensic Laboratory Division ay buong puso at giting na sumasama sa kanilang laban simula nang hilingin nila ang aming tulong at propesyonal na paglilingkod.
Comments