top of page
Search
BULGAR

Isang taon matapos maturukan... Malusog na 14-anyos, pabalik-balik ang lagnat at sakit ng tiyan,

nagtae at nahirapang huminga bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 09, 2021



Ang bunso ay karaniwan nang itinuturing na ‘pet’ o paborito ng buong pamilya. Ang pinakabatang miyembro ng pamilya na ito ay kadalasan ding pinagtutuunan ng higit na atensiyon at pagmamahal. Ganito ang naging magandang kapalaran ni Joanina Cortes sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga magulang na sina G. Domingo Cortes at Gng. Luzviminda Tantano, ng Mandaue City, Cebu. Ngunit ang buhay niyang ito ay hindi naglaon — ang higit pang pag-aasikaso at pagmamahal ay hindi na personal na nadama ni Joanina mula sa kanyang mga magulang sa mas mahabang panahon dahil nauwi sa trahedya ang nalalabi niyang mga sandali sa mundo.


Si Joanina ay 14-anyos nang namatay noong Mayo 10, 2018. Siya ang ika-58 sa mga naturukan ng Dengvaxia, na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Joanina ay naturukan ng Dengvaxia noong Hulyo 15, 2017. Narito ang naibahagi ng kanyang mga magulang ukol sa kanyang pagpapabakuna:


“Bago ang kanyang pagtanggap ng sinasabi nilang bakuna kontra sa dengue ay malakas, malusog at masigla si Joanina. Wala naman kaming napansing anuman na naging karamdaman niya. Hindi pa rin naman siya nadadala sa ospital dahil sa anumang karamdaman o dengue.


“Wala kaming nakita na pagbabago sa kalusugan ni Joanina matapos maturukan ng bakuna kontra dengue, subalit noong unang linggo ng Abril 2018 ay napansin naming siya ay namumutla. Nagkaroon din siya ng dysmenorrhea. Hindi lang namin ito pinansin dahil katulad pa rin naman siya ng dati na maliksi at magana kumain. Ang kaibahan lang ay matapos niyang sumayaw — dahil ito ang kanyang madalas na pinagkakaabalahan — ay pumapasok na siya sa kuwarto niya.”


Sa kabila ng nabanggit na obserbasyon ng mga magulang ni Joanina sa kanilang anak, noong Mayo 2018 ay nagkaroon ang huli ng mga sintomas na nauwi sa seryosong kondisyon na humantong sa kamatayan ni Joanina. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Mayo 5, 2018 - Nakaramdam si Joanina ng pananakit ng tiyan at pabalik-balik ito. Pinainom siya ng kanyang mga magulang ng pinakulong herbal plant para mawala ang sakit na kanyang nararamdaman at nawala naman ito nang bahagya.

  • Mayo 7, 2018, umaga - Nagsuka si Joanina ng mga oras na ‘yun at nagkaroon ng lagnat. Anang kanyang mga magulang, “Tumawag kami sa nagturok ng Dengvaxia sa aming anak at sinabi namin sa kanya na nagkaroon ng lagnat si Joanina. Pinayuhan naman kami ni xxx (‘di binanggit na pangalan) na bigyan si Joanina ng Biogesic. Pinainom namin si Joanina, subalit hindi naman nawala ang lagnat niya at sinabihan pa rin kami ni xxx na bigyan siya ng Biogesic. Kinausap ni xxx si Joanina at narinig naming sinasabi niya na masakit ang kanyang likod, balikat at mga paa.” Dagdag pa ni Aling Luzviminda, “Matapos mag-usap sina Joanina at xxx, nakiusap ako sa kanya na kung maaari ay dalawin niya sa aming bahay ang aking anak, pero hindi naman niya ito ginawa kahit kinuha pa niya ang address namin.”

  • Mayo 9, 2018 - Hindi pa rin nawawala ang lagnat, pananakit ng tiyan at kasu-kasuan ni Joanina, kaya dinala siya ng kanyang mga magulang sa ospital. Pagpasok sa ospital, bandang alas-8:30 ng umaga, nawalan ng malay si Joanina at hindi umano makuha ng mga doktor ang kanyang BP. Nagsagawa sa kanya ng pagsusuri hanggang alas-10:00 ng umaga at bumalik naman ang malay ni Joanina. Bandang alas-12:00 ng tanghali, nagtae si Joanina; basa ito at nagreklamo siya na gusto niyang umihi pero hindi naman siya makaihi. Binigyan siya ng fluid at nilagyan ng catheter, pero wala pa rin siyang mailabas na ihi. Dahil hindi makaihi si Joanina, naging maligalig ito buong magdamag.

  • Mayo 10, 2018 - Nag-convulsion si Joanina, nilagyan siya ng tubo para tulungan siyang makahinga, subalit hindi na niya nakayanan. Bandang alas-10:00 ng umaga, sinabi ng doktor na binawian na ng buhay si Joanina. Nakita nina Mang Domingo at Aling Luzviminda na may lumabas na dugo mula sa bibig at ilong ng kanilang yumaong anak.

Anila sa pagkamatay ni Joanina, “Labis ang aming pagkagulat, lungkot at sama ng loob sa sinapit ng aming anak. Hindi namin akalain na ang “anti dengue” na ibinakuna sa kanya na sa aming paniniwala ay magpoprotekta sa kanya laban sa Dengue ay siya pang maglalagay sa matinding panganib at naging sanhi pa nga ng kanyang kamatayan.


“Nakapagtataka talaga na napakabilis na mawala sa amin si Joanina, samantalang wala naman siyang malubhang karamdaman. Nilagnat lang siya tapos tuluyan nang namatay. Ang kakaiba na nailagay sa kanyang katawan— ‘yun ay ang Dengvaxia na ayon sa mga naglalabasang balita ay nagdudulot ng malulubhang sakit. Pareho ang mga naramdaman ni Joanina sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia na sumailalim na sa Forensic Examination ng Public Attorney's Office (PAO).”


Sinabi nina Mang Domingo at Aling Luzviminda na ang bunso nilang anak na si Joanina ang nagbibigay sa kanila ng lubos na kaligayahan. Ang pagkamatay naman nito ngayon ang nagbibigay sa kanila ng labis na kalungkutan. Sa paglapit nila sa PAO, para sa kaso ni Joanina, gagawin namin ang aming makakaya sa pagtatamo ng katarungan para kay Joanina at sa buo niyang pamilya upang maibsan ang kanilang kalungkutan.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page