top of page
Search

Isang linggo nang maturukan...

BULGAR

11-anyos, na-dengue, na-stroke at ‘di makontrol ang katawan bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 9, 2020


Ang pagsasakripisyo para sa pamilya ay isa sa mga katangian ng mga Pilipino. Buhay ang katangiang ito sa pamilya Lague. Bagama’t nauwi pa rin sa trahedya ang pinaglaanan ng kanilang sakrispisyo, hinding-hindi kailanman matatawaran ang kanilang pagmamahal sa kanilang “bunso” na si Shane Camanche Lague.



Si Shane ay ipinanganak noong Agosto 13, 2005 sa Zamboanga Del Sur. Siya ay 11-anyos nang namatay noong Pebrero 12, 2017. Gayundin, siya ang ika-35 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ang bunso sa dalawang mga anak nina G. Wilson at Gng. Phelbeth Lague ng Batangas. Ganito ang pakakaalala ni G. Lague sa pagkakabakuna kay Shane.


“Noong ika-4 ng Abril, 2016, kaming mag-anak ay naninirahan sa Quezon Province; nabalitaan namin doon ang libreng pa-bakuna ng dengue vaccine (Dengvaxia), na inorganisa ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Health (DOH).


“Gawa ng oportunidad upang maproteksiyunan ang aming anak laban sa dengue ay dagli kaming mag-anak na sinamahan sa xxx Elementary School (hindi pinangalanang paaralan) si Shane at doon siya naturukan ng Dengvaxia. Subalit walang Immunization Card na ibinigay sa amin ang eskuwelahan nang siya ay maturukan. Noong hinanap namin ang Immunization Card ni Shane, sinabihan kaming kuhanin ito sa doktor ng health center, subalit hindi rin naman namin matsambahan ang nasabing doktor kaya wala kaming kopya ng nasabing card. Bilang patotoo sa sinasabi naming ito, ako (Wilson Lague) ay nagsagawa ng aking sinumpaang salaysay”.

Pagkaraan ng isang linggo, kapansin-pansin ang madalas na pagkakasakit ni Shane. Palagi na lamang siyang may lagnat at naglalaway. Noong Hunyo, 2016, nagkasakit ng grabe si Shane kaya siya ay isinugod sa isang ospital sa Batangas. Sa referral letter na ginawa ng isang doktor, nakasulat na ang nangyari sa kanya ay dahil sa dengue, sinabi rin ng doktor na siya ay na-stroke at pagkatapos nu’n, sila ay lumabas ng ospital. Subalit magmula noon, labas-pasok na sa ospital si Shane. Bandang Nobyembre, 2016, lalong lumala ang kanyang kalagayan, sapagkat siya ay nawalan na ng kontrol sa kanyang mga galaw. Kapag itinaas niya ang kanyang kamay, hindi na niya ito maibaba. Kinailangan na siyang bantayan dahil hindi na siya makagalaw nang maayos. Pinahinto ng mga magulang ni Shane sa pag-aaral ang isa nilang anak para may magbantay sa kanya. May kani-kanya ring pagpapakita ng pagmamahal at malasakit kay Shane ang iba pang miyembro ng kanyang pamilya.


Ang mga unang araw ng Pebrero, 2017 ang naging kritikal sa mga natitirang sandali ni Shane. Narito ang ilan sa mga detalye kaugnay nito nang isinugod si Shane sa isang ospital sa Batangas. Nagwawala siya at hindi mapakali at Pebrero 12, 2017 nang namatay si Shane. Anang kanyang mga magulang, “Pumanaw ang aming anak sa hindi klarong kadahilanan.” Noon ay maglalabing-dalawang taong gulang pa lamang si Shane. Nasabi nina G. at Gng. Lague na sila ay “lubos na nananangis at nagluluksa sa biglaang pagpanaw” ng kanilang anak. Sa gitna ng pagdadalamhati nilang ito, may mga napag-isipan sila at nabuong mga pananaw hinggil sa sinapit ni Shane. Anila:


“Sa aming panonood ng telebisyon hinggil sa usapin sa Dengvaxia, napagtagpi-tagpi namin ang mga pangyayari sa hindi maipaliwanag na karamdaman at pagkasawi ni Shane. Napagtanto naming posibleng may kinalaman ang pagkamatay ni Shane sa tinanggap niyang Dengvaxia noong ika-4 ng Abril, 2016 sapagkat matapos ang pagturok nito ay naging sakitin na si Shane hanggang sa siya ay nasawi.


“Bilang mga magulang ni Shane, alam naming wala siyang anumang nakamamatay na karamdaman dahil siya ay malusog at masiglang bata.”

Dahil dito, hiniling nila ang tulong ng PAO Forensic Team, upang masuri ang bangkay ni Shane at malaman ang tunay na dahilan ng kanyang pagkasawi. Hiniling din nila mula sa aming tanggapan at sa inyong lingkod ang aming libreng serbisyo-legal upang mabigyan ng katarungan ang kamatayan ni Shane. Anila G. at Gng. Lague:


“Dapat lang silang managot dahil sa kanilang kapabayaan at kawalan ng pag-iingat nang bigyan nila ng bakuna ang aming anak. Masasabi namin na hindi namin akalaing ikamamatay ni Shane ang pagbibigay sa kanya ng libreng bakuna. Buong akala namin ay mabibigyan siya ng proteksiyon, subalit kabaligtaran ang nangyari kay Shane. Nabakunahan na nga siya ng Dengvaxia, pero nagka-dengue pa rin naman siya at tuluyan na ring namatay.”

Maaalala na kinailangang magsakripisyo ng kapatid ni Shane noon upang siya ay mapangalagaan habang lumalaban sa kanyang mga karamdaman at nagsisikap mabuhay. Mula sa mga sandaling inililigtas si Shane sa bingit ng kamatayan hanggang ngayon na siya ay wala na sa mundong ating ginagalawan, nagpapatuloy ang mga sakripisyong iniaalay kay Shane upang makamtan ang hustisya para sa kanya, at nagaganap ito sa loob at labas ng kanilang pamilya. Ang kontribusyon ng aming tanggapan, ng inyong lingkod, at PAO Forensic Team na naaayon sa aming mandato ay nagpapatuloy sa kabila ng panghahamak sa aming kakayahan, bagama’t paulit-ulit nang nasubukan at napatunayan ang aming integridad at kredibilidad. Kami ay mga lingkod-bayan at propesyunal sa aming larangan, ngunit mga tao rin na may damdamin.


Sa panahon ng katindihan ng mga salitang ibinabato sa amin at panggigipit, sinisikap namin na manaig sa aming damdamin ang pagiging makatao at huwag kailanman bumaba sa antas na ito habang patuloy na ginagawa ang mga tungkulin na nakaatang sa amin.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page