top of page
Search
BULGAR

Isang linggo matapos maturukan...

13-anyos, sumakit ang tiyan, ngipin at panga, nagkaroon pa ng stage 4 cancer bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 15, 2021


Sobrang pasasalamat ang ipinaabot ng buong puwersa ng Public Attorney’s Office (PAO), at ng milyong kliyente namin at mga kaisa sa aming adbokasiya sa buong daigdig nang ma-veto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang inappropriate and unconstitutional insertion sa 2021 PAO Budget ng dalawang senador na nagsingit nito.


Sa panahon ng aming paghihintay sa naturang veto, hindi kami nawalan ng pag-asa na ang malakas na boses ng sambayanan ay sadyang diringgin ni P-Duterte dahil ang tinig na ito ay nasa bawat pintig mismo ng kanyang puso, at sa panahon ng aming paghihintay, tuluy-tuloy din kami sa pagdarasal at pagtupad sa aming mga tungkulin sa PAO, kasama na rito ang pagpupunyagi sa kaso ng yumaong si Valerie S. Pagulayan.


Si Valerie ay 13-anyos nang namatay noong Disyembre 29, 2017. Siya ang ika-47 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago siya namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Valerie ay naturukan ng Dengvaxia sa isang health center sa Quezon City noong Oktubre 11, 2017. Bago siya nabakunahan ay sinabihan niya ang kanyang ina na si Aling Analyn O. Silatan ng Quezon City na gusto niyang mabakunahan ng Dengvaxia para hindi siya magka-dengue. Sinamahan ni Aling Analyn si Valerie, at ang kapatid nitong si Jillian S. Pagulayan. Dahil diumano sa kagustuhan niya na maprotektahan ang kanyang mga anak, sinamahan niya ang mga ito sa nasabing health center para maturukan. Ani Aling Analyn:


“Pagdating namin sa Health Center, tinanong lang nila ako kung may nararamdaman ang mga anak ko. Wala naman silang nararamdaman nang araw na ‘yun dahil malulusog sila, kaya sinabi ko na wala naman silang nararamdaman. Matapos nu’n ay tinurukan na sila ng sinasabi nilang bakuna kontra dengue.”


Isang linggo matapos maturukan ng Dengvaxia si Valerie, nakaranas siya ng pananakit ng tiyan. Pagkatapos nu’n ay pananakit ng kanyang kaliwang ngipin, at itaas na bahagi ng kanyang likod. Bahagyang namaga ang kaliwang bahagi ng kanyang panga at nagkaroon din siya ng singaw. Uminom si Valerie ng mefenamic acid, subalit hindi nawala ang sakit ng kanyang ngipin. Dinala siya sa isang Barangay Health Center sa Quezon City, at siya ay niresetahan ng amoxicillin at paracetamol dahil ayon sa health worker, sakit lamang ‘yun sa ngipin. Pagkaraan nito, lumalala ang kondisyon ni Valerie. Lalong namaga ang kaliwang bahagi ng kanyang panga, kaya dinala siya sa pribadong klinika. Niresetahan siya ng mefenamic acid at Co-Amoxiclab at doon nalaman ni Aling Analyn kay Jillian na si Valerie ay nadapa at ito ay nangyari matapos ang ilang araw ng pananakit ng kanyang ngipin. Hindi pa rin bumuti ang kalagayan ni Valerie sa mga sumunod na araw. May mga pagkakataon din na nahihirapan siyang huminga.


Noong Nobyembre 22, 2017, dinala sa isang ospital sa Quezon City si Valerie at isinailalim siya sa x-ray. Kinaumagahan, pagkatapos mabasa ang resulta ng nasabing x-ray ay sinabihan sila na kailangang i-admit si Valerie, at agad-agad naman siyang pina-admit sa nasabing ospital. Pagkatapos ng ilang araw, nag-umpisa na ring mamaga ang kanang bahagi ng kanyang panga. Sinabihan sila na kailangang lagyan ng metal brace ang panga ni Valerie dahil may fracture ito. Lumala ang kondisyon ni Valerie pagdating ng Disyembre, 2017. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye:

  • Ikalawang linggo ng Disyembre 2017- Naging pabalik-balik ang pagdurugo ng kanyang gilagid, minuto lamang ang pagitan. Mabaho na rin ang hininga niya at kung sisilipin ang loob ng kanyang bibig ay parang nabubulok na.

  • Disyembre 24, 2017 - Nagsusuka siya at sinabi ng doktor na hindi na matutuloy ang operasyon sa kanyang panga at ang kailangan diumano ay masalinan siya ng dugo.

  • Disyembre 27, 2017 - Laking-gulat ni Aling Analyn nang sabihan siya ng mga doktor na may Stage 4 Cancer si Valerie at kailangan siyang i-chemotherapy sa araw na ‘yun. Hindi natuloy ang kanyang chemotherapy dahil siya ay nag-agaw buhay.

  • Disyembre 28 at 29, 2017 - Kinaumagahan, natuloy ang kanyang chemotherapy at pagkatapos nito, hindi na siya nakakikilala. Kinakalas niya ang mga nakakabit at nakatusok sa kanyang katawan at tumitirik na ang kanyang mga mata. Ani Aling Analyn, “Hindi na normal ang aking anak.” Bumababa na rin ang oxygen level niya kaya sinabihan ni Aling Analyn ang mga doktor na agapan ang pagbaba ng oxygen level ni Valerie. Hindi na nakatulog ang kanyang pamilya hanggang mag-umaga ng December 29, 2017 dahil patuloy na ang pagwawala ni Valerie. Hanggang sa tuluyan na siyang binawian ng buhay, alas-6:00 ng umaga nang araw na ‘yun.


Ani Aling Analyn, sa pagkamatay ni Valerie:


“Sa biglaan niyang pagkamatay, hindi ako naniniwalang dahil ‘yun sa cancer dahil malusog naman ang aking anak. Kaya naman naisipan kong lumapit sa PAO para ihingi ng tulong ang pagkamatay ng aking anak dahil naniniwala akong Dengvaxia ang naging dahilan ng maagang kamatayan niya.


“Ako naman ay inasikaso nila roon at hiniling ko ring isailalim ang bangkay ng aking anak sa forensic examination para malaman ko ang tunay na dahilan ng kanyang biglaang pagkamatay. Kinakailangan kong gawin ito upang matahimik ang aking kalooban.”


Matibay ang pananalig namin sa Diyos at kay Pangulong Duterte na higit naming mapaglilingkuran ang pamilya ng yumaong si Valerie at katulad niyang mga biktima sapagkat nakamit natin ang ipinagdarasal nating veto ng pangulo. Tagumpay ng Bayan para sa Hustisya!


Tunay na magiging Happy New Year ang 2021 para sa atin, at sa sambayanang ating pinaglilingkuran!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page