ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 30, 2024
Muli, pansamantala nating bigyang-daan ang hiling ng isa nating masugid na tagasubaybay na ilathala ang kanyang ikalawang bukas na liham para sa kanyang bukod-tanging malapit na kaibigan.
Para sa aking pinakamamahal na matalik na kaibigang Buena:
Kumusta ka na? Matagal-tagal na rin nang tayo ay huling personal na nagkausap at minarapat kong ibuhos nang taimtim sa liham na ito ang aking naipong mga saloobin na tanging ikaw ang inspirasyon.
Sandaling panahon pa lang ang nagdaan nang tayo ay maging magkaibigan, ngunit tila isang buong habambuhay na ang lumipas. Sukat ba naman na kung sa dating karaniwan kong buhay ay hindi ako makapaghintay ng katapusan ng linggo, mula nang makilala ka ay palagi ko nang inaasam ang bawat araw, mula sa dahan-dahang pagliwanag tuwing umaga hanggang sa pagtindig ng buwan sa kalaliman ng gabi. At kung dati’y manaka-naka lang ang aking pagdarasal, nitong mga nakalipas na panahon ay ito na palagi ang una kong ginagawa pagkagising at huling ginagawa bago matulog, at laging dalangin ang iyong kalusugan, kaligtasan at kaligayahan.Dahil sa kasiyahang iyong naidulot sa aking napakasimpleng buhay ay nagkakulay ang aking mundo kahit wala namang nabago sa aking kapaligiran.Tila ba nabuhay sa aking mga mata ang ’di-mabilang na mga munting detalye kahit napakaordinaryong mga tanawing noon ay halos hindi ko napapansin. Naipamulat mo sa aking diwa na mas marami pang kagandahan sa mundong ito na unti-unti ko pa lang natatanto. Iyo ring napapagtibay ang anumang lakas ng aking loob at lalo akong nagkakaganang harapin ang anumang hamon ng bawat 24 oras.
Kung kaya’t may katangi-tangi ring kaibahan na naidulot ang ating pagkakaibigan sa akin sa kasalukuyan. Kung dati ay ang mga pagsubok at sakit ng ulo sa hanapbuhay ang tanging nakapanlulumo ng aking kalagayan, ngayon, ang mga pagkakataong ikaw ay aking nabigo na nakapagdudulot ng sukdulang kalungkutan sa aking pagkatao. Ang aking mga kilos o pag-uugali na iyong hindi nagustuhan ay ilang beses nang nagdulot sa akin ng kawalan ng pag-asa, na tila humihinto ang pag-inog ng mundo at iniiwan akong para bang lobong hindi makalipad at umimpis dahil nawalan ng hangin. Sa ating mala-bagyong mga kabanatang iyon, pilit kong pinapalakas ang aking dibdib dahil tila wala akong ganang gumalaw ng kahit isang hakbang lamang.
Sa kabilang banda, kapansin-pansin na dala ng mga pagsubok sa ating pagkakaibigan ang pag-unawang ang mga ito ay nagpapatibay sa ating sariling mga kakayanan at pagkakakilala sa isa’t isa. Marahil pa nga ay paraan din ang mga iyon upang tayo ay lalong magsumikap na maging mabuti, mapagpakumbaba at matulungin sa iba.
Wala mang perpektong tao at kahit wala akong bahid ng pananadya, iyo sanang ipagpaumanhin at ipagpatawad ang aking mga pagkukulang. Lubos ko na ring nauunawaan ang iyong mga naramdamang hinagpis, dahil tila lumipat ang mga emosyon mula sa iyo papunta sa akin. Nakapagpalalim pa tuloy ito ng ating pagkakaibigan sa puntong halos tayo ay salamin na ng isa’t isa. Bukod pa riyan, sa paglalim ng ating pagiging magkaibigan, napapansin mo’t nararamdaman din kaya na marami sa mga tema at kuwento ng mga pelikula o linya ng mga kanta ay naging katotohanan na sa ating buhay?
Kung kaya’t may saysay na bukas sa mga mambabasa ng BULGAR ang ating mga naging liham na para sa isa’t isa. Na kung sakali’y makita rin nila ang kanilang sarili sa ating pagkakaibigan at lalo pa nilang maunawaan ang kanilang kani-kanyang mga karanasan at kalagayan.
Natuldukan mo na nga ang aking talambuhay sa pagkakaroon ng matalik na kaibigan. Wala nang iba para sa akin sa larangang ito kundi ikaw. Nawa’y ganoon din ako sa iyo.
Sana nga’y wala nang wakas ang ating pagiging bukod-tanging matalik na kaibigan para sa isa’t isa. Dalangin ko ito hanggang sa huling pintig, habang magiliw na tinatanaw ang kinabukasang walang hanggan.
Lubos na sumasaiyo,
Jo
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments