ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Feb. 1, 2025
Lagi kong ipinagpapasalamat sa Panginoon ang pagkakataong mapaglingkuran ko nang tapat ang ating mga kababayan. Ang tiwala at suporta ng aking mga kapwa Pilipino ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon na ipagpatuloy ang aking pagseserbisyo sa abot ng aking makakaya.
Ang lagi kong paalala sa sarili, palaging magpasalamat at huwag sayangin ang pagkakataon na naibigay sa akin para makatulong sa iba lalo na sa mga nangangailangan.
Nagpapasalamat din tayo dahil nananatiling buo ang tiwala sa atin ng ating kapwa Pilipino, base na rin sa pinakahuling mga survey tulad ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong January 28, kung saan nasa ikatlo hanggang ikaapat na puwesto tayo sa 2025 senatorial race.
Umasa kayo na ang probinsyanong tulad ko na binigyan ninyo ng pagkakataong makapagserbisyo ay lalo pang magtatrabaho dahil iyan naman ang mandatong ibinigay ninyo sa akin.Katunayan, bilang Chairperson ng Senate Committee on Health, ay muli tayong magpapatawag ng hearing sa darating na February 5, para patuloy na isulong ang mga reporma sa sektor ng kalusugan at palakasin ang ating healthcare services.
Paalala natin sa publiko, gamitin ninyo ang komite para makapaghayag ng inyong mga hinaing, saloobin, at suhestiyon.
Tulad ng ipinangako ng inyong Senator Kuya Bong Go, hindi tayo titigil sa pagbabantay para mapaganda ang mga serbisyo at benepisyong medikal lalo na para sa mahihirap.
Muli nating kukumustahin ang mga repormang ipinangako at mga ipinapatupad na ng PhilHealth. Hindi tayo papayag na hanggang “promise” lamang ang mga ito matapos nating madiskubre ang sobra-sobra nilang reserve funds. Dapat ang pera ng PhilHealth ay gamitin para sa health!
Ang PhilHealth ay hindi negosyo na dapat mag-ipon ng pondo. Ito ay medical insurance para sa lahat upang may masasandalan tayo kapag nagkasakit.
Kaya dapat nilang gamitin ang kanilang pondo para mapakinabangan ng taumbayan. Galit ang Pilipino dahil kaltas sa sahod natin ‘yang kontribusyong nakokolekta ng PhilHealth na dapat suklian nila ng maayos na serbisyo at sapat na benepisyo kapag nagkasakit.
Patuloy rin nating pagtitibayin pa ang mga programang nakapaghatid na ng tulong sa milyun-milyong Pilipino. Tulad na lamang ng Malasakit Centers Act o Republic Act No. 11463 na tayo ang principal author at sponsor.
Sa tulong ng mga kasamahan ko sa gobyerno, umaasa tayo na madadagdagan pa ang 166 Malasakit Centers sa buong bansa at ang 15 milyong Pilipinong natulungan na nito.
Isinulong din natin ang patuloy na pagpapatayo ng Super Health Centers sa buong bansa na naghahandog ng primary healthcare, konsultasyon, at early detection services sa mga komunidad.
Mayroon na tayong mahigit 600 Super Health Centers na napondohan sa ating pagsisikap bilang Vice Chair ng Senate Finance Committee, katuwang ang DOH, LGUs, at mga kapwa mambabatas — at madadagdagan pa ito ngayong taon.Principal sponsor din tayo at isa sa may-akda ng RA 11959, o ang Regional Specialty Centers Act, na naghahatid ng specialized medical care sa lahat ng rehiyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng specialty centers sa mga regional hospital na pinamamahalaan ng DOH.
Mga paraan ito upang ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa tao, lalo na pagdating sa kalusugan.
Tututukan din natin ang implementasyon ng mga bagong batas na ating isinulong tulad ng RA 12077, o ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act na tayo ay co-author at co-sponsor; RA 11997, o ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act,” na nagkaloob ng dagdag na teaching supply allowances sa public school teachers; ang RA 12076 o ang Ligtas Pinoy Centers Act, na tayo ang principal author, na layong magtatag ng evacuation centers sa bawat sulok ng bansa para maprotektahan ang dignidad ng ating evacuees; gayundin ang mga batas na magpapaganda sa serbisyo ng iba’t ibang mga ospital sa maraming bahagi ng bansa.
Samantala, nakiisa tayo sa ating mga kababayan sa pagsalubong sa Chinese New Year noong January 29 sa paanyaya ni dating Manila Mayor Isko Moreno.
Naging bahagi tayo ng ginanap na PDP National Campaign Coordination Meeting sa Davao City na pinangunahan nina party chairman at former President Rodrigo Duterte at Senator Robin Padilla, ang party president.Kahapon, January 31, nasa Sultan Kudarat tayo at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 1,000 mahihirap na residente mula sa Lebak, at 1,000 din sa Sen. Ninoy Aquino (SNA) kasama sina Vice Mayor Rafael Flauta III ng SNA, Mayor Frederick Celestial at Vice Mayor Bong Alarcon ng Lebak, at pati na rin sa pakikipagtulungan nina Maguindanao del Sur Governor Bai Mariam Mangudadatu at Sultan Kudarat Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu.
Sa ating pakikipagtuwang sa lokal na pamahalaan, nabigyan din ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal.
Naghatid naman ng tulong ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad at naalalayan natin ang 12 biktima ng insidente ng sunog sa Davao City.Napagkalooban ng dagdag na tulong ang 188 scholars ng WCC Aeronautical College, Inc. sa Caloocan City na ating sinuportahan bilang Chair ng Senate Committee on Youth.
Natulungan naman ang 79 na nawalan ng hanapbuhay sa Calamba City, Laguna katuwang si Mayor Ross Rizal — na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan ng pansamantalang trabaho.
Sinuportahan din natin ang turnover ng mga bitamina at iba pang mahahalagang gamot para sa 23 barangay ng Malinao, Albay, sa pakikipagtulungan ni Councilor Carol Ziga.
Tuluy-tuloy din ang ating palugaw initiative sa mga ospital na may Malasakit Center para sa mga pasyente, kanilang bantay at hospital staff. Lagi kong naririnig kay Tatay Digong na sa pagseserbisyo: “Just do what is right.” At ‘yan ang patuloy kong sinusunod.
Gawin lang ang tama, unahin ang kapakanan ng mga mahihirap, at hinding-hindi ka magkakamali.
Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa, gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito.
Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magtatrabaho at magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Sipag at serbisyo ang puwede kong ialay sa ating mga kababayang Pilipino. Umasa kayo na dodoblehin ko ang aking pagtatrabaho dahil ‘yan naman ang focus ko simula’t sapul, ang magserbisyo at magampanan ang ating mandato. Ako ang inyong Senator Kuya Bong Go, laging bukas ang aking opisina para sa inyong lahat!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Bình luận