Isang hakbang na lang si Paalam para sa medal round
- BULGAR
- Aug 1, 2021
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | August 01, 2021

Nakasalta na ng quarterfinal round ang isa sa nalalabing pambatong boksingero ng bansa na si Carlo Paalam sa men's flyweight division ng Tokyo Olympics boxing competition. Tinalo ni Paalam si Mohamed Flissi ng Algeria sa pamamagitan ng UD sa round of 16 para sumulong sa susunod na round kahapon-Sabado, Hulyo 31 sa Kokugikan Arena. Hindi nagpasindak si Paalam sa 3-time Olympian na si Flissi upang kubrahin ang 30-27 iskor sa lahat ng limang hurado at panatilihing buhay ang kanyang kampanya sa kanyang kauna-unahang Olympic stint. Una nang nagwagi sa pamamagitan ng split decision si Paalam sa round of 32 kontra sa isa ring beteranong Olympian at Irish national na si Brendan Irvine.
Ipinamalas ng 23-anyos mula Bukidnon ang malupit na counter-punching at atakeng left-and-right combination upang hindi papormahin ang Algerian boxer. “Maganda ang nilaro nya. Akala ng Algeria papasukin sya ni Carlo. Dahil nakita nila sa unang laban ni Carlo sumusugod sya,” pahayag ni 1992 Barcelona Olympics bronze medalist at national team coach Roel Velasco sa panayam ng Bulgar Sports sa online interview. “Hindi hinayaan ni Carlo na makapasok yung kalaban niya, bale nag-aabangan lang silang dalawa timing timing lang ang ginagawa niya at biglang suntok kaya doon nakakalamang at na-maintain niya hanggang 3rd round,” obserbasyon ni Velasco.
Sunod na kakaharapin ni Paalam si 2016 Rio Olympics gold medalist Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan na pinulbos sa parehong bracket si David de Pina ng Cape Verde via 5-0 unanimous decision sa darating na Martes sa ganap na alas-10:15 ng umaga.
Sakaling palaring makalagpas si Paalam, makasisiguro na ito ng bronze medal sa semifinals at maaaring makatapat ang isa kina Rio Olympics light-flyweight silver medalist Yuberjen Martinez ng Colombia at Ryomei Tanaka ng Japan sa Huwebes, Agosto 5.
Comments