ni Lolet Abania | February 8, 2022
Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Martes na isa pang petisyon na inihain laban kay presidential aspirant at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang na-dismiss.
Sa isang virtual press conference, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang petisyon na nai-file ni Tiburcio Marcos ay ibinasura na ng commission.
Sa petisyon ni Tiburcio Marcos, iginiit nitong ang “impostor” na si Bongbong Marcos ay hindi nag-e-exist bilang isang legal person at ang tunay na Marcos Jr. ay patay na noon pang 1975.
Una nang inanunsiyo ni Jimenez na ang petisyon ay na-dismiss na bago pa ang Bagong Taon. Subalit, wala pang ibinibigay ang Comelec na kopya ng desisyon.
Ayon kay Jimenez, mayroong isang petition kay Marcos para ipakansela ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-pangulo at 4 na disqualification cases laban sa dating senador na nananatiling pending sa Comelec.
Noong Disyembre 16, ibinasura ng Comelec ang petisyon na inihain ni Danilo Lihaylihay, kung saan ipinadedeklara nito si Bongbong Marcos bilang isang nuisance candidate.
Comments