ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 01, 2021
Isang panalo na lang at papasok na ang Brooklyn Nets sa East semifinals ng 2021 NBA Playoffs matapos durugin ang Boston Celtics, 141-126, kahapon sa TD Garden. Binuhat muli ng Big Three na sina Kevin Durant, James Harden at Kyrie Irving ang Nets sa 3-1 lamang at maaaring wakasan ang seryeng best of seven ngayong Miyerkules sa pag-uwi nila sa Barclays Center.
Nagsumite sina Durant ng 42 puntos, Irving ng 39 puntos at 11 rebound at Harden na 23 puntos at 18 assist upang makabawi sa 119-125 talo sa Game Three. Kasunod ng kanyang 50 sa nasabing laro, nagtala pa rin ng 40 si Jayson Tatum para sa Boston subalit hinanap niya ang tulong sa mga kakampi.
Malapit na rin ang Atlanta Hawks na nagtayo ng parehong 3-1 lamang sa kanilang serye kontra sa New York Knicks sa bisa ng 113-96 tagumpay sa Game Four. Bumanat ng todo ang Hawks sa second half sabay ng pag-init nina Trae Young, John Collins at Danilo Gallinari at umabot pa ng 26 ang kanilang lamang, 113-87, at ito ay sapat kahit hindi na sila pumuntos sa huling tatlong minuto.
Pumukol ng apat na tres si Young para sa 27 puntos at sinundan nina Collins na may 22 at Gallinari na may 21. Susubukan ng Hawks na tapusin ng maaga ang serye ngayong Huwebes sa harap ng kanilang mga tagahanga sa State Farm Arena.
Tabla na muli sa 2-2 ang seryeng best of seven ng Phoenix Suns na nanaig sa defending champion Los Angeles Lakers, 100-92, at putulin ang kanilang dalawang sunod na talo. Kahit masakit ang balikat ay namayani si Chris Paul sa kanyang 18 puntos.
Isa pang dagok ang dumating sa kampanya ng Lakers at nasaktan ang hita ni Anthony Davis sa second quarter at hindi na bumalik kaya naiwan mag-isa si LeBron James na gumawa ng 11 ng kanyang 25 puntos sa fourth quarter kaya nabitin ang huling hirit ng mga kampeon.
Comments