ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 03, 2021
Nagtulungan ang Milwaukee Bucks upang maukit ang 123-112 panalo sa bisitang Atlanta Hawks sa Game Five ng Eastern Conference Finals ng 2021 NBA Playoffs kahapon sa Fiserv Forum. Umabante ang Bucks sa seryeng best of seven, 3-2, at maaaring tapusin ang lahat ngayong Linggo at makapasok sa NBA Finals sa unang pagkakataon buhat noong 1974.
Malaking puwang ang nilikha ng hindi paglaro ni Giannis Antetokounmpo dahil sa pilay na tuhod noong Game Four subalit inangat nina Brook Lopez, Jrue Holiday, Khris Middleton at ang kapalit ni Giannis na si Bobby Portis upang takpan ito. Nagsanib puwersa sina Lopez at Holiday upang itulak ang Milwaukee sa 30-10 lamang sa first quarter at mula roon ay naglaro ng matalino ang Bucks upang mapigil ang mga banta ng Hawks na naglaro na wala rin ang kanilang pilay na superstar na si Trae Young.
Minsan dumalaw sa Pilipinas noong 2012, nagtapos si Lopez na may 33 puntos at sinundan ni Middleton na may 26 puntos at 13 rebound. Hindi malayo si Holiday na may 25 puntos at 13 assist habang nag-ambag si Portis ng 22 puntos.
Nanguna sa Hawks si Bogdan Bogdanovic na pumukol ng pitong tres para sa 28 puntos. Nagsumite ng tig-19 puntos sina John Collins at reserba Danilo Gallinari.
Itataya na ng Hawks ang lahat sa Game Six ngayong Linggo sa kanilang tahanan State Farm Arena upang maitabla at manatiling buhay sa serye. Kung kailangan, ang Game Seven ay babalik sa Fiserv Forum sa Martes.
Nakasalalay pa rin ang kapalaran ng mga koponan sa bilis ng paghilom ng pilay ng kanilang mga superstar. Umaasa si Young na papayagan na siya maglaro sa Game Six at tumulong maihatid ang Atlanta sa kanilang unang NBA Finals matapos ang isang kampeonato noong 1958 at tatlong pagkabigo noong 1957, 1960 at 1961 bilang Saint Louis Hawks lahat kontra sa Boston Celtics.
Sa kaso ni Antetokounmpo, walang nakitang sira sa kanyang tuhod maliban sa masakit ito at walang klarong pasya kung kailan siya makababalik.
Comentarios