top of page
Search
  • BULGAR

Iran bumomba ng panalo, Canada, perpekto sa VNL

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 21, 2024



Sports Photo

Mga laro ngayong Biyernes – MOA

11:00 AM Iran vs. Pransiya

3:00 PM Canada vs. Brazil

7:00 PM Netherlands vs. Japan

 

Wala pang lumipas na 24 oras ay niyanig  ng dating kulelat na Iran ang pundasyon ng 2024 FIVB Men’s Volleyball Nations League (VNL) sa dalawang dambuhalang panalo. Idagdag ang Netherlands sa listahan ng kanilang biktima matapos ang limang set – 25-22, 22-25, 25-21, 20-25 at 15-10 – kahapon sa MOA Arena. 


Noong Miyerkules ng gabi ay winakas ng Iran ang kanilang walong sunod-sunod na talo mula pa noong nagsimula ang torneo noong Mayo 21 at binigo ang Estados Unidos sa limang set din – 26-28, 25-23, 25-18, 26-28, 15-13. Nalagay sa alanganin ang kampanya ng mga Amerikano at linasap ang kanilang ika-anim na talo sa siyam na laro. 


Nagtira ng lakas si Hossein Poriya para sa huling set at gumawa ng lima ng kanyang 23 puntos. Sumuporta sina kapitan Ebadipour Milad na may 20 at Amin Esmaeilnejad na may 14. 


Bitbit ang inspirasyon mula sa tagumpay, buong laro nakipagpalitan ng puntos sina Amin at Poriya kontra sa mga Olandes. Sinundan ni Amin ang kanyang ipinakita laban sa mga Amerikano sa pagkalat ng 29 at hindi nalalayo si Poriya sa kanyang 27 puntos. 


Sa pambungad na laro, nanatiling perpekto ang Canada sa dalawang laro sa MOA at madaling pinahinto ang Alemanya – 25-19, 25-18 at 25-21. Tumibay ang puwesto ng mga Canadian para sa quarterfinals sa kanilang pang-anim na tagumpay sa 10 laro habang namemeligro ang mga Aleman at lumubog sa 4-6 ang kanilang kartada.        


Sisikapin ng Iran na magtala ng ikatlong panalo ngayong araw laban sa Pransiya simula 11:00 ng umaga. Ang iba pang laro ay sa pagitan ng Canada at Brazil sa 3:00 ng hapon at Netherlands laban sa Japan sa tampok na laro sa 7:00 ng gabi. 


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page