@Buti na lang may SSS | Marso 10, 2024
Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong malaman kung bakit mahalaga ang tinatawag na Workers’ Investment and Savings Program ng SSS sa mga miyembro? At paano ko makikita ang record ng naihuhulog ko sa nasabing programa? Salamat. — Lilia
Mabuting araw sa iyo, Lilia!
Mahalaga ang Workers’ Investment and Savings Program (WISP) sapagkat ito ay nagsisilbing karagdagang social protection ng mga miyembro bukod sa kanilang regular SSS program.
Ang WISP ay isa sa mga probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018 na sinimulang ipatupad noong Enero 2021. Ito ay isang provident fund scheme na pinangangasiwaan at ipinatutupad ng SSS upang matulungan ang mga miyembro na makaipon ng mas malaki para sa kanilang pagreretiro. Tulad ng regular SSS program, hinuhulugan din ito kada buwan.
Nasasakop ng WISP ang mga miyembro na kumikita ng maximum monthly salary credit na mahigit sa P20,000 at walang final claim sa ilalim ng regular SSS program.
Awtomatiko naman ang pagiging kasapi nila sa nasabing programa.
Ang kanilang magiging buwanang hulog ay mula P70 hanggang P1,400. Kailangan namang ang miyembro ay aktibong naghuhulog ng kanyang buwanang kontribusyon sa ilalim ng regular SSS program.
Halimbawa, kung ikaw ay kumikita ng P23,750 kada buwan, bawat buwan ay maghuhulog ka ng P2,830 para sa iyong regular SSS contribution, kasama na rito ang P30 na hulog para naman sa Employees’ Compensation Program, at P560 naman ang napupunta sa iyong WISP.
Sa mga covered employee o mga miyembro na may employer na pinapasukan, paghahatian nila ang hulog sa WISP, gaya ng sa regular na hulog sa SSS.
Halimbawa, ikaw, Lilia ay kumikita ng P23,750 kada buwan at nag-iipon ng P560 bawat buwan para sa WISP, ang magiging share ng iyong employer ay P380 samantalang sasagutin mo naman ang P180.
Maaari ring i-check ng miyembro ang posting ng kanyang kontribusyon sa WISP sa pamamagitan ng kanyang My.SSS account. Mag-log in sa kanyang account sa My.SSS.
Sunod, magtungo sa “Inquiry” tab at i-click ang “Contributions.” Makikita rito ang contributions niya sa WISP maging ang posting ng kanyang buwanang hulog sa regular na SSS program at WISP Plus.
Sinusundan ng SSS ang prinsipyo ng WORK, SAVE, INVEST at PROSPER. Kaya naman ilalagak sa investment ng SSS ang WISP ng mga miyembro. Ang anumang kikitain dito ay ibabalik nang proporsyonal sa miyembro, depende sa halaga ng kanilang contributions. Ang posted contribution sa isang buwan ay magkakaroon ng share sa investment income simula sa unang araw ng susunod na buwan. Hindi lamang nag-iipon ang miyembro kundi kumikita pa ang pinag-iipunan niya.
Sa iyong pagreretiro, Lilia pareho mong makukuha ang iyong retirement benefit mula sa regular na programa ng SSS at ang iyong naipon sa WISP. Ang WISP ay magandang pagkakataon upang magkaroon ka ng isang mas komportableng pagreretiro, kung saan lahat ng iyong naipon ay siya mo namang pakikinabangan sa kinabukasan. Bukod dito, ang iyong maiipon sa WISP ay tax-free at ginagarantiyahan ng SSS.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o 5 taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
留言