top of page
Search
BULGAR

Ipon ng mister na OFW na pang-negosyo, naubos sa scam

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | April 28, 2021



Dear Sister Isabel,

Ang asawa ko ay isang OFW at sa akin niya ipinadadala ang lahat ng suweldo niya. Matagal na siya sa abroad kaya umaasa siyang pag-uwi nya, marami na kaming ipon para makapagsimula ng bagong negosyo. Ang problema ay nabiktima ako ng budol-budol. Nagtiwala ako dahil kasama niya ang hipag ko nang pumunta sila sa bahay para mag-alok ng negosyo. Naengganyo ako sa matatamis niyang pangungusap at agad na naniwala, kaya nagbigay ako ng malaking halaga bilang puhunan.

Sa umpisa ay kumikita ang negosyong sinimulan namin, kaya naman nang humingi pa ng karagdagang puhunan para mas mapalawak ang negosyo, agad naman akong nagbigay. Hindi ko akalain na biktima na pala ako ng pyramiding, isang ilegal na gawain kung saan ang nakikinabang lang ay ‘yung taong pumunta sa bahay upang kumbinsihin akong sumali sa negosyo niya. Huli na nang matuklssan ko at ubos na ang naiipon ko sa kakadagdag tuwing hihingi ‘yung taong nambiktima sa akin.

Malapit nang umuwi ang asawa ko at hindi ko alam ang gagawin dahil tiyak na magagalit siya ‘pag nalaman niyang wala na kaming ipon para gawing puhunan kahit para sa isang maliit na negosyo lamang. Natatakot akong ipagtapat sa kanya ang nagawa ko dahil tiyak na magagalit siya. Hirap na hirap na ang kalooban ko, gayundin, hindi ako makatulog sa kaiisip kung ano ang gagawin para mabalik sa akin ang perang naipon namin.

Sana ay mapayuhan n’yo ako kung ano ang dapat kong gawin. Nawawala ‘yung taong nambiktima sa akin at hindi ko na siya makita. Hihintayin ko ang inyong kasagutan sa lalong madaling panahon.


Gumagalang,

Edna ng Valenzuela


Sa iyo, Edna,

Sa panahon ngayon ay sadyang marami ang tinatawag na budol-budol, lalo na sa pagnenegosyo at nakakalungkot lang na isa ka sa nabiktima. Gayunman, makabubuting ipagtapat mo na sa asawa mo ang nangyari kaysa naman pag-uwi pa lang niya ito matuklasan.


Natitiyak kong sa umpisa lang ang galit niya at huhupa rin ito at maiisip na biktima ka lang ng mga taong manloloko at mapagsamantala sa kapwa. Isa pa, maiisip niya na gusto mo lang madagdagan pa ang inyong puhunan kaya mo nagawang magtiwala sa taong nag-alok sa iyo ng negosyo. Sa susunod ay huwag ka basta-bastang magtitiwala kahit pa sabihing hipag o kamag-anak ang back up ng lumalapit sa iyo.


Maging matalino ka at huwag agad papatol at maniniwala. Makabubuting kayo na lang mismo ng asawa mo ang magtulungan sa negosyong inyong bubuksan. Humingi kayo ng payo sa dati nang eksperto sa pagnenegosyo para magabayan kayo.


Iwasang magtiwala sa iba na hindi n’yo naman lubusang kilala. Magsilbing leksiyon nawa sa iyo ang mga pangyayari. Gayundin, huwag mo nang hayaang masundan pa ito, bagkus, maging alerto at mapagmatyag ka sa iyong kapaligiran at kapwa. Talasan mo ang iyong pakiramdam at mag-ingat palagi. Naniniwala ako na malalagpasan mo ang iyong problema at mauunawaan ka ng asawa mo pagdating niya sa Pilipinas.


Matapat na sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page