top of page

Ipinagbabawal na harangan ang mga fire exits

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 22, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Napapadalas ang mga balita patungkol sa mga nasusunugan. Alam ko naman na dapat may mga nakalaan na fire exits ang mga gusali sa ating bansa. Ganoon pa man, may batas din ba na pinagbabawalan na harangan ang mga fire exits o anumang daanan palabas na inilaan para sa kaligtasan kung sakaling may sunog? Salamat sa inyong kasagutan. — Tai, Jr.


 

Dear Tai, Jr.,


Matatagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 8 ng Republic Act (R.A.)No. 9514, o mas kilala sa tawag na “Revised Fire Code of the Philippines of 2008,” kung saan nakasaad na:


Section 8. Prohibited Acts. - The following are declared as prohibited act and omission.

(a) Obstructing or blocking the exit ways or across to buildings clearly marked for fire safety purposes, such as but not limited to aisles in interior rooms, any part of stairways, hallways, corridors, vestibules, balconies or bridges leading to a stairway or exit of any kind, or tolerating or allowing said violations; x x x

xxx

(f) Locking fire exits during period when people are inside the building;

(g) Prevention or obstruction of the automatic closure of fire doors or smoke partitions or dampers; x x x


Sa ilalim ng nasabing batas, polisiya ng ating gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng publiko laban sa mapanirang sunog. Dahil dito, dapat ipatupad ang batas, at kaukulang tuntunin at regulasyon upang matiyak ang pagsunod sa mga karaniwang hakbang sa pag-iwas at kaligtasan sa sunog, at itaguyod ang serbisyo sa proteksyon at pag-iwas sa sunog.


Kung kaya, bilang kasagutan sa iyong katanungan at base sa mga nabanggit na probisyon ng nasabing batas, ipinagbabawal na harangan ang mga daanan ng paglabas o patawid sa mga gusaling malinaw na minarkahan para sa mga layuning pangkaligtasan sa sunog, katulad ng pasilyo sa loob ng mga silid, anumang bahagi ng mga hagdanan, pasilyo, koridor, o balkonahe. Nabanggit din na ipinagbabawal na isara ang mga fire exits sa panahon na nasa loob ng gusali ang mga tao, at pag-iwas o pagharang sa awtomatikong pagsasara ng mga fire doors o mga partisyon ng usok o mga damper.


Ang mga aktong ito ay ipinagbabawal upang masigurado na ligtas ang mga tao sa loob ng gusali kung sakaling magkaroon ng insidente ng sunog. 


Bilang paalala rin sa lahat, ang buwan ng Marso ay tinaguriang Fire Prevention Month ayon sa Proclamation No. 115-A na inilabas noong ika-17 ng Nobyembre 1966. Kung kaya, inaasahan na ang lahat ay magtutulungan upang ating magampanan ang ating responsibilidad na makatulong na maiwasan ang anumang sakuna o insidente ng sunog sa ating mga lugar, at masigurado ang kaligtasan ng lahat kung sakaling magkaroon ng sunog.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page