top of page
Search
BULGAR

Ipinamumudmod na ayuda, tiyaking may resibo

by Info @Editorial | Oct. 12, 2024



Editorial

Sa pinakabagong resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Stations, lumabas na dumami pa ang bilang ng mga Pilipinong iniuri ang kanilang sarili bilang mahirap noong Setyembre.


Base sa nasabing survey na isinagawa mula Setyembre 14 hanggang 23, lumalabas na nasa 59% o 16.3 milyong pamilyang Pinoy ang nagsabing mahirap sila. Nadagdagan ito ng 300K mula sa 58% o 16 milyong pamilya na nagsabi na sila ay mahirap noong Hunyo.


Kaugnay nito, ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng mga pamilya na nag-uri ng kanilang sarili bilang mahirap habang bahagyang bumaba naman sa Balance Luzon o labas ng Metro Manila at sa Visayas at Mindanao.


Samantala, umaabot naman sa kabuuang P253.378 bilyon ang inilaang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para magamit bilang cash assistance o ayuda. Ito ay nakapaloob sa panukalang budget para sa 2025.


Nakalaan umano ito sa implementasyon ng mga economic and social transformations programs ng gobyerno na nakapaloob sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.


Ayon sa ahensya, ang paglalaan ng malaking pondo bilang ayuda sa mga kuwalipikadong benepisyaryo ay paraan ng administrasyon upang maiangat ang kalidad ng buhay ng mga ito.


Kung may mga natutuwa sa cash ayuda, meron ding mas gusto sanang trabaho o mapagkakakitaan ang ibigay kesa pera. 


Ganundin ang hirit na sana’y naglalabas ng katibayan o resibo sa mga ipinamumudmod na ayuda. Sa pamamagitan nito, masisiguro na napupunta sa mga karapat-dapat ang perang galing sa kaban ng bayan at hindi nasasayang o naliligaw sa bulsa ng mga korup.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page